PATUTUNAYAN ng Kapamilya young actor na si Yves Flores na hindi hadlang ang kahirapan at pasaway na mga magulang para matupad ang mga pangarap sa buhay.
Ngayong Sabado, sa isa na namang espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya, bibida si Yves para bigyang-buhay ang karakter ni Roy Basa, isang batang taga-Negros Occidental na dumaan sa matitinding pagsubok sa buhay bago narating ang tagumpay.
Bata pa lang si Roy ay pinahirapan na agad siya ng tadhana, pito silang magkakapatid na pilit iginagapang ng kanilang mga magulang. Sa murang edad ay nagbanat na siya ng buto para makatulong sa pamilya.
Ngunit sa kabila nito, desidido si Roy na makapagtapos ng pag-aaral at maingat ang kanilang buhay sa probinsya kaya ginawa niya ang lahat para makapag-ipon at maka-graduate ng college.
Bukod sa mga hamon ng buhay na kanyang hinarap, naging balakid din sa pagtupad sa kanyang mga pangarap ang mismong mga magulang niya na kontrang-kontra sa kanyang pag-aaral.
Nakadagdag pa sa mga problema niya ang ilang beses na pagkasawi sa pag-ibig. May pag-asa pa bang naghihintay para kay Roy? Paano niya patutunayan sa mga magulang na edukasyon pa rin ang susi sa magandang kinabukasan?
Makakasama ni Yves sa MMK episode na ito sina John Estrada bilang Raul, Mylene Dizon as Lilia, Marco Masa as Young Roy at Nanding Josef bilang Jolly. Nasa cast din sina Kristina Medina, Isabel Granada, Shirley Fuentes, Kathy Delen, Marlo Mortel, Nikki Gonzales at Johan Santos.
Ito’y sa direksyon ni Dado Lumibao, sa panulat ni Joan Habana. Napapanood pa rin ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.