QC Vice Mayor Joy Belmonte kinuyog ng mga netizen

KINUYOG ng mga netizen si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte matapos namang tawaging “bashers” ang mga residente ng lungsod nang batikusin siya sa kabiguan na magsuspinde ng pasok sa kabila ng napakalakas na ulang naranasan na nagsimula ng madaling araw.

Pasado alas-5 ng umaga ng mag-abiso ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na regular ang pasok sa lahat ng antas sa lungsod sa kabila ng walang patid na pag-ulan na nagsimula ganap na alas-4 ng madaling araw.

Pasado alas-6 ng umaga ng muling mag-post sa kanyang Facebook page si Belmonte na nasa desisyon na ng mga magulang kung papasukin ang kanilang mga anak sa paaralan.

Maya-maya pa, tinawag ni Belmonte na “bashers” ang mga bumabatikos sa kanya.

“To all my bashers. This time I welcome all the hate and the vileness of your messages,” sabi ni Belmonte sa kanyang post.

Nagtrending sa Facebook ang post ni Belmonte na umani ng 5,600  reactions, 4,000 comments at 3,400 shares.

 Sinagot naman ito ng ilang mga netizen.

“Tinawag mo na ngang bashers mga parents ginawa nyo pang lab rat na pinagexperimetuhan ang mga estudyante buti sana kung bago kayo sa posisyon tagal tagal nyo na dyan imbes na matuto lalong nagiging mali mga desisyon sayang lang boto sa inyo,” sagot ni Jay-r Neri kay Belmonte.

“Masarap pa kasi tulog ni Vice! Ano naman sa kanya kung yung mga anak natin basang basa na sa ulan o kaya stranded na sa daan? Madam Vice may mga bata dyan as early ay 4am nasa kalye na para pumasok sa school! Wag tutulog-tulog sabihin sa amin agad ang suspension!” sabi naman ni Irene Minor

Miyerkules ng gabi pa lamang ay nagsuspinde na ng klase ang maraming mayor sa Metro Manila.

Read more...