PINANOOD namin ang ikalawang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nakakaaliw kasing tutukan ang pagsasalita ng pangulo. Parang pelikula ‘yun na mahirap palampasin dahil maraming-marami kang mami-miss.
At tulad ng inaasahan namin ay hindi nawala ang kanyang pagmumura na tatak na niya. Hindi siya puwedeng magsalita nang mahabaan na hindi umeeksena ang kanyang mga PI at iba pang termino ng pagmumura.
Pinansin namin ang mga shots ni Direk Brillante Mendoza. Para itong nagdidirek ng isang indie movie, kinukunan nito ng extreme close-up ang pangulo, ‘yung matang-mata lang talaga ang tutok ng kanyang mga camera.
May isang shot pa ang direktor na kitang-kita ang mga butas (pores kung pores) sa ilong ni Pangulong Duterte. Parang ang sarap-sarap tirisin nu’n.
Pero nakakaligtaang mag-wide shot ng direktor kapag nagkakamot ng ilong ang pangulo, pinababayaan lang nitong makita ang pagpapahid-pahid ng ilong ng nagso-SONA, pelikulang-pelikula ang atake ng direksiyon ni Brillante Mendoza sa kabuuan ng SONA.
Nakakaaliw si Pangulong Duterte dahil pagkatapos niyang maglitanya nang may kasama pang mura ay bigla siyang tumingin sa kanyang teleprompter, ipinagpatuloy niya ang pagbasa, ang bilis-bilis niyang magpalit ng emosyon.
Siya na talaga! Hawak niya sa leeg ang manonood. Walang nainip sa mahigit na dalawang oras niyang paglilitanya.