MARAMI ang nagulat nang pumunta si Pangulong Duterte sa rally sa labas ng Batasan Complex.
Matapos ang turnover ng proposed budget para sa 2018 sa plenaryo ng Kamara de Representantes, na isinunod sa ikalawang State of the Nation Address, naglakad na si Duterte palabas.
Sumakay siya sa sasakyan kaya ang akala ng marami ay uuwi na ito sa Malacanang o may pupuntahan pa sa labas.
Kaya naman nagulat ang marami nang umakyat siya sa stage ng anti-government rally sa IBP Rd., sa Brgy. Batasan Hills.
Marami ang natakot, kahit na ang mga hindi naman sumusuporta kay Duterte.
Paano kung batuhin siya roon? Paano na? Paano kung maulit ang nangyari sa Plaza Miranda na hinagisan ng granda habang nagsasagawa political campaign rally ang Liberal Party noong 1971? Siyam ang namatay noon.
Walang nakakaalam (sa media) na doon ang punta ang Pangulo. Ang next schedule niya pagkatapos ng SONA ay ang presscon.
Buti na lang din at walang naglakas loob na batuhin si Presidente at ang pinagpapalo ng mga militante ay ang kanya lamang effigy.
***
Mariin ang panawagan ni Duterte sa Senado na ipasa ang hinihingi niyang tax reform package.
Ang sabi ng gobyerno, pro-poor raw ito pero kung susuriin mong mabuti ay papasanin ng mga mahihirap ang mga bagong buwis na gagamitin ng gobyerno upang mabawi ang buwis na mawawala dahil sa pagbaba ng personal income tax.
Ang makikinabang sa pagbaba ng personal income tax ay ang mga middle class o ‘yung mga sumasahod ng lagpas sa minimum rate.
Pero si manong driver ng pampasaherong jeepney ay walang pakinabang dito. Hindi naman siya nagbabayad ng income tax.
Ang masakit lang, tatamaan siya ng dagdag na buwis sa diesel. Ang panukala ng Department of Finance ay P6 kada litrong excise tax. Sa kasalukuyan ay walang excise tax ang diesel kaya nga malayo ang presyo nito kumpara sa gasolina.
Si manang na nagtitinda sa karinderia hindi rin nagbabayad ng personal income tax. Malay ba niya sa income tax return na ipina-file sa BIR.
Ang alam lang niya magtataas ang presyo ng mga binibili niya kung tataas ang diesel dahil ito ang gamit ng jeepney o trak sa pag-deliver ng kanyang mga lulutuin.
Ito namang kumakain sa kanyang karinderia, baka magtaka kung hindi na siya mabusog sa budget na P30 sa tanghalian.
Natatakot si manang na maglipatan ang kanyang mga kostumer kung itataas niya ang presyo. Kaya ang isa sa mga solusyon, bawasan ang takal ng kanin at ulam.
Huwag naman sana niyang maisip na bumili ng mas murang bocha. Kapag nagsira ang tiyan ng kanyang mga kostumer, mas malaking problema.
Kakayanin kaya ng mga reelectionist senator na huwag pagbigyan si Du30. Kung hindi nila ito pagbibigyan malamang ay hindi sila nito dalhin sa mid-term elections sa 2019.
Sa kanyang SONA ay may pasaring na si Du30 kay Sen. Sonny Angara na chairman ng Senate Ways and Means committee. Si Angara ay reelectionist.
Sabi ni Duterte hindi pumapalakpak ang mga senador ng hilingin niya na ipasa ang tax reform package.
“Ayaw man mag pakpak, pati is ano, wala. They are not clapping. Si Angara, ayaw ring mag-clap. Bantay ka lang sa eleksyon, tingnan mo.”
Kapag pinagbigyan naman nila, kawawa naman sila sa mga botante na siyang papasan sa mas mataas na buwis.
Hirit naman ng isang miron, makikinabang ang mga mahihirap dito. Kung lalaki ang pondo ng gobyerno mas marami itong magagastos para sa mahihirap.
Makokolekta ba lahat? Eh andami na nga nating nababalitaan na malalaking kompanya na hindi nagbabayad ng tama. Baka kung magbabayad ang mga ito, hindi na kailangan ng pagtataas sa buwis.