Kasambahay galit na galit pag pinapanood ang ‘ILAI’

KIM CHIU AT GERALD ANDERSON

IRITANG-IRITA ang kasama namin sa bahay habang pinapanood ang seryeng Ikaw Lang Ang Iibigin nina Gerald Anderson at Kim Chiu. Kailan daw ba malalaman ni Gabriel (Gerald) na siya ang tunay na anak ni Roman (Michael de Mesa) at hindi si Carlos (Jake Cuenca).

Kuwento ng aming kasama sa bahay na medyo mataas ang tono, “Ate, kailan ba malalaman ni Gerald na siya ang tunay na anak ni Michael? At kelan din ba malalaman ni Michael ang totoo?

“Naiinis na ako, eh, kinakawawa siya nina Rigor (Daniel Fernando) at Victoria (Ayen Munji-Laurel).

Isipin mo, si Gerald ang pinagbabayad ng hotel kasi wala ng pera si Ayen, pinutol na lahat ng asawa niya (Michael) ang cards niya. Pakitanong mo nga ate kailan ba magkakaalaman? Naubos na ang ipon ni Gerald sa kinita niya sa Tigershark.”

O di ba, bossing Ervin maski hindi namin napapanood ang Ikaw Lang Ang Iibigin dahil tulog pa kami ay meron namang tagakuwento sa amin, ‘yun nga lang, hinahayblad si ate sa takbo ng kuwento.

Nasilip namin ang ILAI nitong Lunes, naabutan namin ang eksenang nahimatay si Victoria at alalang-alala ang tunay nilang anak ni Rigor na si Carlos. Oo nga, bilang ordinaryong viewer din ay maiirita ka talaga kina Jake, Daniel at Ayen dahil sa panlolokong ginagawa nila kina Michael at Gerald.

Painit na nang painit ang kuwento ng Ikaw Lang Ang Iibigin kaya huwag na kayong bibitiw. Napapanood ang serye nina Gerald at Kim Chiu bago mag-It’s Showtime.

Read more...