NAITALA sa buwan ng Mayo ang pinakamaraming bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) matapos umabot sa 1,098 ang mga bagong kaso, na siyang pinamataas simula noong 1984, ayon sa Department of Health (DOH) kahapon.
Base sa datos mula sa HIV/AIDS Registry of the Philippines, mas mataas ito ng 48 porsiyento kumpara sa kaparehong buwan noong isang taon na may 741 kaso.
Mas mataas ito kumpara sa 968 na bagong kaso ng HIV na naitala noong Marso.
Idinagdag ng DOH na sa kabuuang 1,098 bagong kaso ng HIV, 140 dito ang humantong na sa AIDS.
Samantala, 15 ang naitalang namatay dahil sa HIV/AIDS noong Mayo.
Idinagdag ng DOH na naitala ang pinakamaraming bagong kaso ng HIV sa National Capital Region (NCR), na may 404 kaso; sinundan ng Calabarzon, na may 155 kaso; Central Luzon, 108 kaso; Central Visayas, 98 kaso; at Davao region, 60 kaso.
Base sa datos, ang sexual contact ang itinuturong dahilan ng pagkakaroon ng HIV kung saan naitala ang 1,068 kaso, na karamihan ay dahil sa male-having-sex-with-male (MSM) na may 918 kaso.
Tinatayang 558 na bagong kaso ng HIV ay dahil sa homosexual contact, na sinundan ng bisexual contact, na may 360 kaso at heterosexual contact na may 150 kaso.
Umabot naman ng 27 kaso ng HIV ay dahil sa pag-iinjection; samantalang tatlong kaso ay dahil sa mother-to-child transmission.
Samantala, umabot naman sa 84 overseas Filipino workers (OFWs) ang nahawaan ng HIV/AIDS dahil sa sexual contact.
Dahil sa pinakahuling datos, aabot na sa 4,388 kaso n ng HIV ang naitala sa bansa mula sa Enero hanggang Mayo ngayon taon, kasama na ang 516 kaso ng AIDS at 197 na mga namatay.
Simula 1984, umabot na sa 44,010 ang kaso ng HIV sa buong bansa, kabilang ang 4,181 kaso ng AIDS at 2,156 kaso ng mga nasawi.