ISANG kumplikadong desisyon ang pagpapalagay ng “ink” sa sariling katawan, o iyong pagpapa-tattoo.
Matapos kasi ang ilang oras na pagburda ng tinta sa katawan mo, at maipagyabang sa iba na meron ka nang tattoo, kaya mo ba itong mapanindigan hanggang sa huling bahagi ng iyong buhay? Meron kasing iba na ang kinahihinatnan ng pagpapa-tattoo ay habambuhay na pagsisisi.
Maaari ka kasing magkaroon ng mga allergic reaction, impeksyon sa balat, sakit sa dugo tulad ng hepatitis B at C at HIV (human immune deficiency virus) infection, na ilan lamang sa posibleng mangyari kapag ikaw ay nagpa-tattoo.
Kung bigla mong kailanganin ang MRI (magnetic resonance imaging) para masuri ang anumang problema sa iyong katawan, ang mga tattoo mo ay maaaring magdulot ng pamamaga o mga paso sa mga apektadong lugar kung magsagawa ng scanning.
Kaya mahalagang malaman ng iyong doktor na meron kang tattoo at kung nasaan ang mga ito bago humiling ng MRI.
Ang mga malalaking tattoo ay nagdudulot din ng problema lalo na iyong halos bumabalot sa buong katawan dahil nakakasagabal ito sa kalidad ng mga MRI images. Mahirap malaman kung ang isang malabo o mausok na imahe ay bunga ng isang tumor, pamamaga, o pangit talagaMRI image dahil sa tattoo.
“In” na “in” na ang pagpapatattoo ngayon. Sa katunayan, 50 porsieynto umano ng mga millenials ay meron nito habang 30 porisyento naman ng “Generation X” ang meron ding tattoo.
Cool nga kung tutuusin ang pagpapatatoo lalo pa’t ito ang gusto mong paraan para maipakita ng iyong katauhan at kalayaan.
Pero merong peligro ito sa kalusugan na dapat malaman ng isang may tattoo.
At narito ang ilan:
Siguruhin na handa ka rito
Bago pa magpaburda sa katawan, pag-isipang mabuti ito. Kung hindi ka sigurado, mas maka-kabuting ipagpaliban mo na muna ito, at huwag magpadalos-dalos o dahil nadala ka sa kantyaw ng mga kaibigan o kaya ay naiinggit.
Huwag magpatattoo kung nakainom o naka-droga.
Huwag maging maramot sa disenyo o gastos
Siguraduhin na kilalang tattooing studio na mayroong mga bihasang tattoo artist ang iyong pupuntahan.
Alamin din kung may lisensiya at rehistrasyon at iba pang sertipikasyon ito at kung sumusunod ito sa mga regulasyon sa ligtas na pagsasagawa ng tattoo. Ang mga tattoo artist ay dapat mayroon ding sertipikasyon buhat sa Department of Health at miyembro ng propesyonal na organisasyon ng mga lehitimong tattoo artist.
Ipilit ang pagiging maingat at ligtas na pagpapa-tattoo
Kailangan na ang tattoo artist ay malinis ang mga kamay at may suot na malinis na pares ng protective gloves bago simulan ang pagtatatoo. Siguraduhin din na ihaharap muna sa iyo ang mga karayom o tubo mula sa mga selyadong pakete na patunay na hindi ito mga recycled lang. Tiyakin na sterilized ang mga “non-disposable’ na gamit ng mga artist.
Tingnan din mabuti ang tattoo shop para malaman kung malinis ito at kung hindi huwag nang tumuloy.
Parte ng katawan na mas masakit pag nilagyan ng tattoo
Masakit ang magpatattoo. Pero iba’t iba ang lebel ng hapdi o sakit nito depende sa parte ng katawan na palalagyan ng tattoo. Konti lang ang sakit sa mga ‘matatabang’ lugar subalit mas masakit ito sa mga mabutong lugar tulad ng batok.
Obserbahan ang tamang after-tattoo care
Ang benda ay karaniwang inaalis matapos ang 24 oras subalit kung ito ay mukhang namumula at namamaga pa, maglagay agad ng antibiotic ointment sa may tattoo na balat hanggang sa mawala ang pamamaga nito.
Panatilihing malinis ito gamit ang sabon at tubig. Maaring basain tuwing naliligo subalit iwasan ang direktang pagtama ng tubig dito lalo kung bagong tattoo pa lang. Matapos maligo, punasan ito ng dahan-dahan hanggang sa matuyo at huwag kang magkakamaling kiskisin ito.
Ayos lang maligo subalit iwasang maligo sa ang mga pool, hot tub, ilog, lawa at iba pang uri ng anyong-tubig para hindi magkaroon ng impeksyon.
I-moisturize ito ilang beses sa isang araw para makatulong na mapawi ang pananakit at mapagaling agad ito.
Iwasan din ang direktang pagpapaaraw sa i-yong tattoo ng ilang linggo.
Kung papagaling na ito, may mga langib na mabubuo. Iwasan na tirisin o pisain ito dahil magdudulot ito ng impeksyon na makakasira ng iyong tattoo design at magiging sanhi ng peklat.
Mas magastos, masakit magpatanggal ng tattoo
Sa mga nais maging seafarer, isang malaking leksyon ang pagkakaroon ng tattoo dahil mara-ming ahensiya ang hindi tumatanggap ng mga aplikante na may tattoo.
Kung iniisip mong maitatago ito, nagkakamali ka, dahil may mga ahensiyang nagsasagawa ng masinsinan at buong katawan na eksaminasyon. Kaya walang mapagpipilian ang mga aplikante kundi ipatanggal ito.
Ang masakit, mas magastos ito kaysa sa kanilang pag-aplay ng trabaho.
At ang kumpletong pagtanggal nito na walang peklat ay imposible ring mangyari.
Kaya naman kung kating-kati ka na sa pagpapatattoo ay pag-isipan mo muna itong mabuti.
Tandaan din na mayroong mas ligtas na paraan para ipahayag ang iyong sarili.