NLEX, Phoenix nakubra ang ikalawang panalo

NAGSALO ang Phoenix Petroleum Fuel Masters at NLEX Road Warriors sa itaas ng team standings matapos itala ang ikalawang sunod na panalo sa kanilang 2017 PBA Governors’ Cup elimination round game Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hinatid ni Eugene Phelps sa 95-93 panalo ang Fuel Masters kontra Alaska Aces matapos makaiskor ng isang buzzer-beating layup para umangat sa 2-0 kartada at makasalo sa top spot ang NLEX na ginapi ang Kia Picanto, 100-93, sa unang laro.

Nahulog naman ang Aces sa 0-2 karta at napalawig ang kanilang losing skid sa 10 laro magmula pa sa Commissioner’s Cup.

Matapos ibigay ni LaDontae Henton sa Alaska ang 91-90 kalamangan may 41.1 segundo ang nalalabi mula sa tip-in ng sablay na tira ni Calvin Abueva bumitaw ang dating manlalaro ng Aces na si RJ Jazul ng isang 3-pointer para ibalik ang bentahe sa Phoenix, 93-91, may 29.2 ang natirira sa laro.

Nakaiskor si Chris Banchero mula sa isang tip-in para magawang itabla ang iskor sa 93-all may 21.1 segundo sa laro bago hinulog ni Phelps ang game-winning basket.

Pinamunuan ni Phelps ang Fuel Masters sa itinalang 29 puntos at 14 rebounds habang si Jazul ay nag-ambag ng 15 puntos kabilang ang 4-of-5 mula sa 3-point area.

Si Joseph Eriobu ay nagdagdag ng 14 puntos at 11 rebounds para sa Phoenix.

Binuhat naman ni Henton ang Alaska sa ginawang 30 puntos at 10 rebounds.

Pinamunuan ni Aaron Fuller ang NLEX sa kinamadang 24 puntos at 19 rebounds habang sina Kevin Alas at Carlo Lastimosa ay may tig-13 puntos.

Gumawa naman si Markeith Cummings ng game-high 30 puntos at 15 rebounds para pangunahan ang Picanto na nahulog sa 0-2 record.

Read more...