Mga Laro Ngayon
(Taipei Peace Basketball Hall)
11 a.m. Japan vs Canada
1 p.m. India vs Philippines
3 p.m. Chinese Taipei B vs Lithuania
5 p.m. Iraq vs South Korea
7 p.m. Iran vs Chinese Taipei A
HINDI nasustinahan ng Gilas Pilipinas ang mainit na pagsisimula tungo sa pagkakalasap sa ikatlo nitong kabiguan sa kamay naman ng nangungunang Lithuania, 91-80, sa ginaganap na 39th William Jones Cup Biyernes ng hapon sa Taipei Basketball Peace Hall sa Taipei, Taiwan.
Agad na umarangkada ang Pilipinas sa pagtatala ng 12-5 atake mula sa pagtutulungan nina Roger Roy Pogoy na naghulog ng pitong puntos, Carl Bryan Cruz na may anim at Mike Myers na may apat upang rendahan ang laro sa pagtatapos ng unang yugto sa 22-17.
Gayunman, unti-unting bumalikwas ang matataas na Lithuanians kung saan inihulog nito ang kabuuang 33 puntos kumpara sa 19 lamang ng nagtatanggol na kampeon na Pilipinas upang agawin ang abante sa 28-26 at hindi na muli pang ipinatikim ang kalamangan sa national squad.
Huli pang nagtangka ang nationals sa ikaapat na yugto sa pagbangon sa 68-87 matapos maghulog ng 10-0 atake para lumapit na lamang sa 76-87, ngunit hindi na nito nagawang agawin ang panalo sa Lithuania.
Samantala, hangad ng Gilas Pilipinas na madagdagan pa ang kinakailangang panalo sa pagsagupa nito ngayong hapon sa India.
Ganap na ala-1 ng hapon makakasagupa ng Pilipinas ang India na hindi pa nagwawagi sa loob ng anim nitong laro sa prestihiyosong taunang club tournament.