NILINAW ng child star na si Awra Briguela na hindi siya nag-audition para sa “Darna” movie ni Liza Soberano. Hindi rin daw in-offer sa kanya ng Star Cinema ang karakter na Ding.
“Hindi po totoo na inalok nila sa akin mag-Ding. Hindi ko naman po ine-expect, hindi po ako nag-o-overthink na maging Ding ako kasi unang-una, hindi bakla si Ding,” paliwanag ni Awra sa grand presscon ng bago niyang project sa ABS-CBN, ang Wansapanataym Presents Amazing Ving.
“Ibang-iba iyong personality niya (Ding) sa personality ni Awra,” dagdag chika pa ng bagets.
Pero in fairness, binigyan ng sariling superhero project ng Dreamscape Entertainment si Awra, ito ngang Wansapanataym Presents: Amazing Ving na magsisimula na bukas. Para rin siyang si Darna sa kuwento, nagiging superhero siya sa pamamagitan ng isang makapangyarihang bato.
Magsisimula na ito ngayong Linggo, (July 23) kung saan gaganap nga si Awra bilang si Super Ving, ang tagapagligtas na makapangyarihan at may pusong busilak.
Isang mabait at mapagmahal na anak si Ving na pinagmumulan ng kaligayahan ng kanyang mga magulang na sina Cris at Soffy, na gagampanan ng nagbabalik-telebisyong tambalan nina Roderick Paulate at Carmi Martin.
Masaya at kuntento si Ving kasama ang kanyang pamilya habang dala-dala ang kanilang paniniwalang sapat ang busilak na puso para maituring ang isang tao na superhero.
Suportado man ng mga magulang, lagi siyang tumpukan ng tukso ng kanyang mga kaklase sa pangunguna ng trending love team nina Kisses Delavin at Marco Gallo bilang sina Chelsea at Warren.
Sa kabila naman nito, patuloy na nagbibigay saya at nag-aaral nang mabuti si Ving upang maabot ang kanyang mga pangarap.
Simpleng namumuhay si Ving sa piling ng kanyang pamilya at mga kaibigan, ngunit magbabago ang lahat nang makilala niya ang superhero na si Super Bing (Ellen Adarna). Dahil sa kabutihang ipinakita ni Ving, magpapalit anyo siya bilang Super Ving matapos ipagkaloob sa kanya ang isang mahiwagang batong nagbibigay-kapangyarihan upang makapagligtas ng tao.
Pero bukod sa pagpapanatili ng kapayapaan, may mas malaking misyon siyang kailangan gampanan bilang Super Ving – ang sugpuin si Reptilya (Bianca Manalo) at ang kasamaan nito.
Hindi magiging madali ang misyon ni Super Ving dahil bukod kay Reptilya, marami pa itong kampon na maghahasik ng lagim sa mga inosenteng tao. Ngunit gamit ang kanyang kapangyarihan, sisikapin ni Ving na ipalaganap ang kabutihan at talunin ang kasamaan.
Ano nga kaya ang mga hamong haharapin ni Super Ving ngayong isa na siyang tagapagligtas?
Magtagumpay naman kaya si Reptilya sa kanyang masasamang plano? Sapat nga ba ang pagkakaroon ng busilak na puso upang matalo ang kasamaan?
Pahabol pa ni Awra, “Dito po, mapapaisip po kayo kung lalaki or bakla ako. Makikita niyo rin po iyong action na hindi ko pa nagagawa sa buong buhay ko.”
Mapapanood na ang Wansapanataym Presents: Amazing Ving bukas ng gabi pagkatapos ng The Voice Teens sa ABS-CBN, sa direksyon ni Alan Chanliongco.