43 banyaga dakip sa kidnapping

Dinakip ng mga otoridad ang 41 Chinese at dalawang Malaysian national na sangkot diumano sa pagdukot sa isang Singaporean casino player sa Paranaque City.
Kabilang sa mga dinakip ang mga Malaysian na sina Ng Yu Meng at Goh Kok Keong, na umano’y pangunahing sangkot sa pagdukot sa Singaporean na si Wu Yan.
Dinampot ng mga tauhan ng Anti-Kidnapping Group (AKG) at Bureau of Immigration ang 43 noong Martes sa isang condominium sa Paranaque, kung saan nila itinago si Wu, ayon kay PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa.
Ayon kay AKG chief Senior Supt. Glenn Dumlao, kinaibigan nina Ng at Goh si Wu nang maglaro ang huli ng bacarat sa Solaire Resorts and Casino sa Pasay City noong Hulyo 17.
Matapos iyo’y niyaya ng mga Malaysian si Wu na maglaro naman sa City of Dreams at isinakay ang huli sa isang taxi (AQA-5209).
Pero imbes na ihatid sa naturang casino, dinala ng mga Malaysian si Wu sa isang silid sa Bayview International Condominium, Paranaque, at doo’y hiningan ang huli ng $180,000 kapalit ng kanyang kalayaan.
Nang matunugan ang insidente noong Martes ay nagsagawa ng operasyon ang AKG, BI, at Paranaque City Police kaya nabawi si Wu.
Pinagdadampot din ang dalawang Malaysian at ang 41 nilang kasabwat umano na Chinese, na pansamantalang nakikituloy sa iba-ibang silid ng condominium.
Ang 43 ay pawang mga kasapi umano ng isang “loan shark” syndicate na tumatarget sa mga banyagang naglalaro sa mga casino sa Pilipinas, ani Dumlao.
Pawang mga “high roller” na Chinese o may lahing Chinese ang tinatarget ng sindikato, aniya.
Nagpapanggap na player ang mga kasapi ng sindikato para obserbahan ang isang target, kakaibiganin ito, papahiramin ng pera kapag natatalo sa sugal, at yayaing maglaro sa ibang casino pag malaki na ang utang, ayon kay Dumlao.
Pero imbes na sa ibang casino dalhin ay dinadala ang mga biktima sa condominium, kung saan ang iba’y tinatakot o binubugbog, o di kaya’y pinapatubos pa sa pamilya, aniya.
Nakapagtala na rin ng ganitong kaso noong 2015, ayon sa AKG chief.
Ipinagharap na ng kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention ang 43 sa Department of Justice noong Miyerkules, ayon kay Dumlao.
Pinaghahanap pa ang sinasabing utak ng sindikato na Chen DeQin, isa rin umanong Chinese, aniya.

Read more...