TAMA lang na ipatanggal ni Pangulong Digong ang kanyang litrato at mga litrato ng ibang opisyal sa mga opisina ng gobyerno at palitan ito ng mga larawan ng mga bayani.
Sabi pa ng pangulo, marami sa mga opisyal na ang mga litrato ay naka-display sa mga government offices at maging sa publiko ay mga kawatan pa nga.
Bakit nga ba ang mga litrato ng Cabinet members at bureau directors ay ibinabandera sa loob ng mga opisina ng kanilang mga tauhan samantalang di naman nila pag-aari ang opisina na kanilang pinamumunuan?
Si Director General Ronald “Bato” dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), halimbawa, ay inutusan ang kanyang mga tauhan na idispley ang kanyang standee sa mga presinto at opisina ng mga pulis.
Di naman siya kaguwapuhan kung tutuusin.
***
Walang balak ang dating Pangulong Noynoy Kuyakoy na bumalik sa pulitika.
Magandang desisyon.
Bakit?
Wala naman siyang ginawa noong siya’y congressman ng Tarlac. Wala rin siyang ginawa noong siya’y senador.
At mas lalong wala siyang nagawa noong siya’y pangulo ng bansa kundi sisihin ang kanyang pinalitan na si Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang pagkakamali, maglaro ng video games sa kanyang pamangkin at maghanap ng babae na parang pusang-gala.
***
Walang kaduda-duda na malinis si Presidente Digong pagdating sa pera.
Mayaman na siya noong mayor pa siya ng Davao City.
Pero marami sa mga opisyal na nakapaligid sa kanya ay mga corrupt at ang kanilang gawain ay nakasisira sa mga ginagawa ni Digong para sa bayan.
Mr. President, please open your eyes wide.
***
Ilan sa mga nakapaligid kay pangulo ay pinapaboran ang ilang mga kumpanya o indibidwal.
Gaya na lang ng paghawak sa mga tax evasion cases ng Del Monte Corp., isang multinational, at ng Mighty Corp., isang homegrown, all-Filipino company.
Ang Del Monte ay hinawakan na parang batang musmos samantalang ang Mighty ay itinuring na parang isang pusakal na kriminal.
Pinagbayad lang ang Del Monte, na may pagkakautang na P80 bilyong buwis sa gobyerno, ng P50 milyon.
Sa kabilang dako, pinilit ng dalawang Cabinet members na ipagbili ng mga may-ari ng Mighty
Corp. ang kanilang kumpanya sa isang Japanese tobacco company upang mabayaran nito ang pagkakautang na P25 bilyon sa gobyerno.
Kung walang katiwalian ang paghawak ng magkaibang kaso ng Del Monte at Mighty, ewan lang kung anong matatawag diyan.
***
Isa pang Cabinet member ay nagpasok ng maraming kamag-anak bilang ghost employees sa kanyang departamento.
Ang maybahay ng Cabinet official na ito ay siyang nagpapatakbo ng kanyang opisina, sabi ng kanyang mga tauhan.
Ang opisyal na ito ay marami nang biyahe sa abroad bilang junket kasama ang kanyang asawa.
Pinapaboran niya diumano ang isang grupo at pinahihirapan ang kabilang grupo na kaaway ng paborito niyang grupo.
Ang bulong-bulungan sa mga kasamahan niya sa sirkulo ni Digong ay kumupit ito sa contributions para sa campaign funds ni Digong noong kampanya.
Maraming nagtataka kung bakit siya binigyan ng mataas na puwesto gayong siya’y nagnakaw noong kampanya pa lang.