Tambalang Alex-Empoy nagpaiyak, nagpatawa, nagpakilig sa 'Kita Kita' | Bandera

Tambalang Alex-Empoy nagpaiyak, nagpatawa, nagpakilig sa ‘Kita Kita’

Reggee Bonoan |July 20,2017
facebook
share this

Tambalang Alex-Empoy nagpaiyak, nagpatawa, nagpakilig sa ‘Kita Kita’

Reggee Bonoan - July 20, 2017 - 12:05 AM


NAKAKALULA ang dami ng mga artistang dumalo sa celebrity screening ng “Kita Kita” nitong Martes ng gabi sa Trinoma Cinema 7 para suportahan ang unang tambalan nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez.

Katwiran nga ni Alessandra, “Wala kasi kaming fans, pero marami kaming friends na artista kaya sila ang in-invite namin.”

Naalala tuloy namin noong dekada ‘90 na kapag may premiere night sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City ay halos lahat ng artista ay dumadalo maski hindi naman kasama sa pelikula, nais lang talaga nilang suportahan ang mga kasamahan nila sa industriya.

Nakita namin doon sina Vice Ganda, Maymay Entrata, mag-pinsang Danica Sotto-Pingris at Ciara Sotto, Ritz Azul, Garrie Concepcion, Xian Lim, Nicco Manalo, mag-asawang Maricar at Richard Poon, Mark Oblea, Julian Trono, Ella Cruz, AJ Muhlach at Phoebe Walker na bida sa “Double Trouble”.

Nandu’n din si Maris Racal, Inigo Pascual, Jairus Aquino, Erik Santos, Angeline Quinto, KZ Tandingan at boyfriend TJ Monterde, mag-asawang Yeng Constantino at Victor Asuncion, Meg Imperial, Ketchup Eusebio, mag-asawang Nonie at Sharmaine Buencamino, Dennis Padilla, Boy 2 Quizon, Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap, direk Jun Lana, Angel Locsin kasama ang napapabalitang boyfriend na si Neil Arce, ang rumored boyfriend ni Alex na si Marc Abaya at marami pang iba.

Ang unang bahagi ng pelikula ay ang masasayang araw ni Lea (Alessandra) nu’ng nagkaroon siya ng temporary blindness dahil pinasasaya siya palagi ni Tonyo (Empoy).

Si Tonyo ang naging mata at gabay ni Lea sa mga lakad nila at dahil broken hearted ang dalaga aliw na aliw siya sa binata.

Nagustuhan namin ang dialogue ni Tonyo kay Lea na, “Nu’ng nakakakita ka pa hindi mo ako nakikita, nu’ng nabulag ka saka mo ako nakita.”

Kaya naman pala umabot sa 7.3 million views ang trailer ng pelikula sa YouTube, with 64,000 shares at 43,000 comments na karamihan ay iisa ang sinasabi, “Ang ganda-ganda, kakaibang romantic movie ang tambalang AlEmpoy.”

Oo nga, akalain mo, puwede pala silang maging magka-loveteam?

q q q

Ang ganda ng pagkakalatag ng kuwento ng “Kita Kita”, ang gaganda ng mga eksenang kinunan sa Sapporo, Hokkaido sa Japan na ayon kay direk Sigrid Andrea Bernardo ay utang niya sa kanyang cinematographer na si Boy Yniguez.

Kuwento pa ni direk Sigrid, “Magaling siya talaga, isa siya sa highest paid sa commercial, veteran cinematographer at minimal lights ito kasi hindi kami masyadong nagdala ng ilaw, konti lang, led lights lang. Kaya mas lalo akong humanga kay sir Boy.”

Ang pinaka-mensahe ng kuwento ng “Kita Kita” ay “a little act of kindness can save a soul”. Siguradong makaka-relate ang lahat kahit na pang-millennial pa ang approach nito at sana’y naintindihan din ng mga kabataan ngayon ang “open the basket” joke ni Tonyo kay Lea kasi nga early 70’s pa ito nilalaro noon sa kalsada.

Hindi na namin ikukuwento ang kalahating bahagi ng “Kita Kita” dahil ayaw naming i-preempt, basta ang tanging masasabi namin, mapapaluha o mapapaiyak kayo sa mga eksena sa point of view naman ni Empoy.

Benta para sa amin ang tambalang Alessandra at Empoy dahil kung iba ito, baka nga hindi ganu’n ka-effective ang resulta ng twist sa kuwento, kasi nga nasanay na tayo na kapag loveteam guwapo at maganda ang mga bida.

Sabi nga ng isa sa Spring Films producer na si Bb. Joyce Bernal, hindi lahat ng leading man ay dapat guwapo dahil sa tunay na buhay, mas maraming nagkakagustong babae sa mga lalaking may sense of humor kahit hindi kaguwapuhan.

Naniniwala kami sa sinabi ni direk Sigrid na bagong putahe ang “Kita Kita”, kaya naman pala maraming pumuri rito nu’ng mapanood sa iba’t ibang film festival abroad dahil heartwarming ang kuwento.

Sana makapasok ito sa Cannes Film Festival para naman hindi lang puro tungkol sa krimen, droga, prostitusyon o kahirapan ang napapanood tungkol sa mga Pinoy.

Palabas na ngayon ang “Kita Kita” sa mga sinehan, handog ng Spring Films at distributed ng Viva Films.

Sa celebrity screening pa rin ng “Kita Kita”, nang-agaw nang eksena ang rumored couple na sina Angel Locsin at Neil Arce. Dahil sa pagdating nila sa nasabing event nang magkasabay ay mas lalong umingay ang balita na may relasyon na ang dalawa.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pero hanggang ngayon ay wala pang kumpirmasyon mula kina Angel at Neil tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon, pero sabi nga ng ilang fans ng aktres, “action speaks louder than words.”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending