PSG inambush ng NPA sa North Cotabato

Limang miyembro ng Presidential Security Group at isang militiaman ang nasugatan, isang sibilyan ang nasawi, at isang police asset ang dinukot sa pananambang ng New People’s Army sa Arakan, North Cotabato, Miyerkules ng umaga, ayon sa pulisya.
Aabot sa 150 ang bilang ng mga rebelde, na pawang mga naka-military uniform at nagsasagawa ng checkpoint na mayroon pang signage ng Task Force Davao, sabi ni Senior Supt. Emmanuel Peralta, direktor ng North Cotabato provincial police.
Bumibiyahe ang mga miyembro ng PSG lulan ng dalawang sasakyan alas-6:30, nang mapadaan sa checkpoint sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Katipunan, ani Peralta.
Galing ang mga tauhan ng PSG sa Davao City at patungong Cagayan de Oro City nang maganap ang insidente, aniya.
Napansin ng mga PSG member na mga rebelde ang nasa checkpoint kaya binilisan ang mga sasakyan at binangga ang harang, ani Peralta.
Dahil doo’y pinaputukan ng NPA ang mga sasakyan ng PSG gamit ang matatataas na kalibre ng baril, aniya.
Nasugatan ang mga miyembro ng PSG na sina Ssgt. Matumhay, Ssgt. Lisondra, Ssgt. Gerry Tursal, Cpl. Ayam Alia, Cpl. Rodel Ledesma, at isang Ben Padia, miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit, sabi ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Napatay sa insidente ang isang di pa kilalang sibilyan, habang isang Rogelio Mago Genon, na “asset” ng Criminal Investigation and Detection Group, ang dinukot, aniya.
Matapos iyo’y umatras ang mga rebelde, at nakapalitan ng putok ng mga miyembro ng 39th Infantry Battalion sa Brgy. Napaliko, doon din sa Arakan, ani Galgo.
Di pa mabatid ang resulta ng sagupaan habang isinusulat ang istoryang ito.
Sinabi naman ni Lt. Col. Michael Aquino, civil-military operations officer ng PSG, na di bahagi ng anumang event na dadaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga napalabang miyembro ng PSG.
“Hindi siya part ng isang party, isa siyang admin movement na regular ginagawa ng PSG para makipag-coordinate sa security forces natin,” ani Aquino.
Di rin aniya tinuturing ng PSG na “ambush” ang naganap sa Brgy. Katipunan dahil pinaputukan ng mga tauhan nito ang mga nasa checkpoint matapos mapansin na rebelde ang mga ito.
Apat na miyembro lang ng PSG ang nasugatan sa insidente, ani Aquino.

Read more...