MARAMING problemado ngayon.
Paano nga naman daw nila babayaran ang mga hulugan nilang sasakyan na kanilang ipinasok sa Uber o Grab?
Hindi lihim na marami ang na-enganyo na magpasok ng sasakyan sa Uber at Grab dahil sa laki ng potensyal na kita (lalo na noong kokonti pa lang sila).
Dagdag pa sa pang-eenganyo ang murang downpayment na hinihingi ng mga car dealer.
Pero paano na ngayon, kung ang driver na naglalabas ng sasakyan mo ay hindi pala accredited ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Saan ka huhugot ng ipambabayad mo sa sasakyan.
Umaabot umano sa 30,000 driver ng Uber at Grab ang hindi nakarehistro sa LTFRB at pinagbabawalang mamasada.
Hindi naman nakakapagtaka kung mayroong taxi driver na mapangiti sa balitang ito.
Nabawasan naman kasi talaga ng bilang ng mga sumasakay sa taxi dahil sa mga Transport Network Companies.
Sa SM North EDSA sa Quezon City na lang halimbawa, maraming tao malapit sa taxi stand pero hindi sumasakay sa taxi cab. Hinihintay nila ang na-book na sasakyan.
Sa halip nga naman na pumila, pwede ka ng mag-book habang nasa loob ng mall at lalabas na lang kung naroon na ang sasakyan. Mayroon din namang libreng wifi ang karamihan sa mga mall na magagamit sa pag-book.
Masisisi ba naman ang mga pasahero kung naisin nila na huwag ng sumakay ng taxi.
Sa mahabang panahon ng pamamayagpag ng taxi, marami rin namang driver nila ang umabuso. Bago sumakay ay humihingi na ang dagdag dahil matrapik daw sa pupuntahan mo. Kung nagkataon naman na walang trapik ay hindi naman niya iuurong ang hinging dagdag.
Kapag pahirapang sumakay ay sinasamantala rin nila. Hindi na ginagamit ang metro at nangongontrata.
Minsang malakas ang ulan at ayaw mong mabasa ang iyong mga anak ay papara ka ng taxi at ang sasabihin sayo ng driver ay pwede pero ‘double meter’. Dodoblehin ang patak ng metro.
Ang isa sa nagustuhan ng mga pasahero sa TNC, alam na nila kung magkano ang kanilang babayaran.
Hindi na kakaba-kaba na baka mayroong batingting kung metro ng taxi at malaki ang kanilang bayaran.
Sa simula pa lang, kung hindi kaya ng bulsa pwede na hindi na nila i-book.
At reklamo ng isang reporter, paano ka gaganahang sumakay ng taxi kung mas malamig pa sa labas kaysa sa loob ng sasakyan. At kung minsan ay amoy paa pa.
Kapag nagreklamo ka naman dahil mainit, tatakutin ka na ibababa sa gitna ng flyover o kalsada kaya tatahimik ka na lang.
Kung inayos naman ng mga taxi operator ang kanilang serbisyo ay hindi naman sila iiwanan ng mga pasahero di ba?