Mga Laro Ngayon
(Taipei Peace Basketball Hall)
11 a.m. Chinese Taipei B vs Iraq
1 p.m. Japan vs Philippines
3 p.m. India vs Iran
5 p.m. South Korea vs Lithuania
7 p.m. Canada vs Chinese Taipei A
HINDI ininda ng Pilipinas ang pisikal na laro kontra host Chinese Taipei B sa paghugot nito sa 93-82 panalo para sa ikalawang sunod nitong pagwawagi sa ginaganap na 39th Jones Cup Men’s International Basketball Tournament sa Taipei Peace International Basketball Hall Lunes ng hapon sa Taipei, Taiwan.
Sinandigan ng Nationals ang maigting na ikatlong yugto upang kumawala sa tabla na 44 iskor sa pagtatapos ng first half kung saan nagawa nitong maghulog ng 25 puntos sa ikatlong yugto kontra 18 puntos ng Chinese Taipei B upang itala ang 69-62 abante.
Huling naging dikit ang labanan sa 77-75 may 6:47 pa sa laro, bago nagawang ihulog ng Gilas ang 8-1 atake sa pagtutulungan nina Christian Standhardinger, Matthew Wright at Jio Jalalon para sa 85-75 abante tungo na sa panalo.
Muntik naman magkagulo matapos na magsagutan sa gitna ng court si Wright at Kai Yan Lee bagaman agad itong napigilan.
Pinamunuan muli ni Wright ang Gilas Pilipinas sa itinalang 21 puntos habang nag-ambag si Roger Roy Pogoy ng 15 puntos, si Mike Myers ay nagdagdag ng 14 puntos, si Jalalon ay may 13 puntos at si Kiefer Ravena ay kumana ng 10 puntos.
Samantala, ssagupain ng Gilas Pilipinas sa ikaapat na diretso nitong laban ang Japan ngayong ala-1 ng hapon sa pagnanais nitong maipagpatuloy ang posibilidad na maipagtanggol ang hawak na korona.
Hindi pa naman nagwawagi ang Japan sa tatlo nitong laban na una ay sa Chinese Taipei A, 65-86, ikalawa sa Iraq, 70-79, at sa Lithuania, 67-94.