Detainees pumuga sa Jolo: 3 patay, 10 nakatakas

Tatlong detainee ang napatay, isa ang nasugatan, at 10 pa, kabilang ang ilang kasapi umano ng Abu Sayyaf, ang nakatakas matapos pumuga sa Jolo Police Station sa Sulu, Linggo ng umaga.

Labing-apat sa 38 detainee ng police station ang pumuga dakong ala-1:25, sabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, direktor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao police.

Dahil dito’y naglunsad ng pagtugis ang lokal na pulisya, at napatay ang mga tumakas na sina Julbig Alinjani, Budda Basali, at Midzfar Sabli, pawang may mga kasong may kinalaman sa iligal na droga, ani Sindac.

Nadakip naman si Gummi Maimbung, isa ring escapee na nahaharap sa kasong may kinalaman sa droga, matapos masugatan.

Pinaghahanap pa ng pulisya’t militar ang 10 pang pugante, na nakilala bilang sina Makrim Habbisi, Alsimar Basali, Nasir Maldam, Albin Alibasa, Julhaber Sariol, Benjie Pandoga, Mustafa Sarapuddin, Haber Kasim, Benjamin Baker, at Tano Hadjula.

Sina Habbisi, Basali, Maldam, Alibasa, Sariol, at Pandoga ay pawang mga nahaharap sa kasong may kinalaman sa baril at pampasabog, at pawang mga kasapi umano ng Abu Sayyaf.

Sina Sarapuddin, Kasim, Baker, at Hadjula naman ay pawang mga drug suspect.

Nagpakalat na ng tauhan ang Provincial Public Safety Company at Regional Public Safety Battalion para tulungan ang Jolo police na tugisin ang mga tumakas, ani Sindac.

Tumutulong na rin ang Armed Forces, na gumagamit naman ng K9 units at drone para matunton ang mga pugante, aniya.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon para malaman kung paano nakatakas ang mga detainee, ani Sindac.

Read more...