Showbiz couple magaling mang-okray pero parehong pikon

PIKON. Asar-talo. Ganu’n kung ilarawan ng kanyang mga katrabaho ang isang female personality na magaling makipagbiruan pero kapag siya na ang napupuruhan ay sobrang pikon naman.

Mahilig bumangka sa mga biruan ang female personality, siya ang palaging starter kumbaga sa gulo, pero kapag lumalalim na ang biruan ay bigla na lang siyang nagmamaldita.

Kuwento ng isang source, “May split personality ang hitad na ‘yun! Minsang para siyang bulag na walang nakikita, hindi siya namamansin, para siyang lumalakad na hiwalay ang ulo sa katawan sa pangdededma.

“Meron namang time na malayo pa lang siya, e, nakikipagbiruan na, mataas ang energy niya, napakabibo at buhay na buhay!

“Pero kapag sumasakay na sa mga biro niya ang iba, kapag palalim na nang palalim ang biruan na siya ang nagpasimuno, napipikon naman siya!

“Manghahaba na ang nguso niya, tatalim na ang mga mata niya, galit na galit na siya nu’ng lagay na ‘yun, samantalang siya nga itong nag-umpisa ng biruang ‘yun!

“Pikon siya, asar-talo! Ayaw niyang nagpapakabog, kaya ang dapat sa kanya, e, huwag na ring nakikipagbiruan, wala siyang karapatan!

“Magsisimula siya, pagkatapos, kapag napupuruhan na siya, e, magmamaldita! Ano ito, lokohan?” pahayag ng aming impormante.

Tuloy ay maraming nagkokomento na magkapareho sila ng kanyang boyfriend na asar-talo rin. Pikon din ito at mahilig mamersonal.

“They deserve lang each other dahil pareho silang pikon! Magagaling silang mag-umpisa ng kuwento, pero sila ang napipikon sa bandang huli!

“Bagay na bagay sila, sa totoo lang, di ba naman, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday? Getlak n’yo na kung sinu-sino sila?” pagtatapos ng aming source.

Read more...