KAPANSIN-pansin na ang mga Asyana ay maingat sa kanilang mga balat. Iniiwasan nilang magbilad sa ilalim ng araw hangga’t maaari.
Minsan naikuwento ng ating Pinay OFW sa Europa na tipong naiinis daw ang ibang lahi kapag nakita nilang nagpapayong sila.
Tulad na lamang kapag natapos na ang snow, pinakahihintay-hintay nila ang paglabas ng araw. Iyon ang pinakamasayang panahon para sa kanila, kapag summer season na. Pero para naman sa ibang lahi, tila ayaw na ayaw nila ang araw.
Tulad na lamang nating mga Pinoy, dahil mainit na bansa ang Pilipinas kung kaya’t ayaw na nating nabibilad pa sa araw. Ayaw nating naiinitan.
Kaya nga kahit gustong-gusto naman ng ibang lahi ang kulay nating kayumanggi, tayo naman ay nagpupumilit na maging maputi.
Kung anu-anong mga produkto ang ipinapahid sa katawan para pumuti lamang.
Marami tayong mga OFW sa abroad ang nagpapadala sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak ng mga produktong pampaputi.
Ngunit pakaingat ang ating mga kabayan hinggil dito.
Naglipana pala sa Pilipinas ang mga hindi rehistradong produktong ito na sa halip makabuti sa balat ay magdudulot pa ng matitinding problema.
Inalam natin sa Food and Drug Administration ang isyung ito. Kamakailan lamang naglabas ang FDA ng listahan ng mga produktong gluathione at collagen supplements na hindi rehistrado sa FDA.
Hindi ito maaaring ibenta at hindi puwedeng gamitin dahil hindi anila dumaan sa pagsusuri ng FDA. Dahil diyan, mapanganib ang mga ito sa kalusugan.
Ito ang mga produktong tulad ng NU White 1600 MG, Active White Max Gold, Active White Max Bio, Tatio Active Pearl Whitening with Sunblock Softgel, Tatio Active Gold Glutathione, Tatio Active Collagen Softgel, Glutax 200 GS Diamond Bright at Glutax 5GS Active White Max Bio Gold.
Pati na rin ang mga injectable products tulad ng Tationil Plus 1500, Beauoxi White Plus, Tationil 600 MG, Advanced Glutathione Rex Pharma 3Gms, V-C Injection, GSH Derma Forte, Placenta Lucchini Fresh Cell Therapy, Thionemax 900, Laennec Injectable Placenta Extract, GHS Luminex 1200, Tioredox 4.8 Grms, Advanced Glutathione Rex Pharma 2,400 MG, GSH Ultima 500, Gerovytel, Saluta 600 MG at Tatio Active DX.
Kung gumagamit po kayong mga OFW sa abroad ng mga produktong ito, ihinto ninyo kaagad at ipagbigay alam sa Food and Drug Administration sa pamamagitan ng kanilang email report@fda.gov.ph o info@fda.gov.ph. Itawag din sa Drug for Regulation and Research sa 809.5569.
Ayon kay Dr. Ernie Baello, cardiologist at health partner ng Bantay OCW Foundation, pare-parehong mapanganib ang mga produktong ipinapahid at ini-inject sa katawan.
Siguruhin umanong rehistrado ng FDA ang produkto para na rin sa inyong kaligtasan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com