HINDI makagaganda para kay Nadine Lustre ang pamamasyal ngayon sa mga pampublikong lugar. Kung ayaw niyang masaktan sa matatalim na tingin ng ating mga kababayan ay umiwas na lang muna sana siya.
Kung bakit naman muling nabuksan ang matinding isyu ng teenage pregnancy sa ating bansa nitong mga huling araw. Ayon sa survey, ang ating bansa ang nangunguna sa mga bansa sa Asia na may pinakamataas na rate ng teengage pregnancy, natiyempo pa ‘yun sa naging pahayag ni Nadine na normal lang ang pakikipag-live-in.
Hindi lang sa social media, maging sa iba’t ibang sector ay maraming kumontra sa sinabi ng aktres, maraming kababayan natin ang nagsabing hindi siya magandang gawing huwaran ng mga kabataan.
Naging negatibo ang imahe ni Nadine, kahit ang kanyang mga tagahanga ay nawindang sa kanyang sinabi na normal na lang ngayong panahon ng milenyal ang pagli-live-in, parang nagkakaisip na tuloy ngayon ang ibang sumusuporta sa kanya na kumalas na sa paghanga sa kanya.
Sana naman, sa susunod ay dapat nang bantayan ng mga nag-aalaga sa kanyang career ang mga sinasabi ni Nadine, hindi niya naman nakamit ang popularidad nang magdamagan lang para masira nang dahil lang sa isang maling hakbang.
Dapat na siyang mag-ingat sa susunod para hindi siya nalalagay sa alanganin. At harinawang sa susunod ay saluhan naman siya sa indulto ng kanyang boyfriend na habang inuupakan ang kanyang girlfriend ay nananahimik lang.
Sana naman para parehas lang ang laban. Hindi ganyan na halos ibitin na sa krus si Nadine Lustre ay parang relax na relax lang si James Reid.