Ate Guy: Kung ako lang, ayoko na pong gumawa ng pelikula!

TOTOO nga bang balak na ni Superstar Nora Aunor na mag-quit sa showbiz? Ayaw na nga ba niyang gumawa ng pelikula?

Sinagot ni Ate Guy ang tanong na ‘yan sa isang panayam nang dumalo siya sa katatapos lang na The Eddys Awards kung saan isa siya sa mga nominado sa pagka-Best Actress para sa pelikula niyang “Tuos”.

Sa interview ng ABS-CBN kay Nora, una siyang tinanong kung ano ang masasabi niya sa isyu ng pagre-resign ng mga jurors at ilang miyembro ng executive committee ng MMFF.

Ito ang tugon ng award-winning actress, “Alam n’yo, kung ako ang tatanungin, hangga’t maaari ayaw ko nang gumawa ng pelikula. Gusto ko ibalik na lang ang mga pelikulang ginagawa ko noong araw tulad ng mga ‘Tatlong Taong Walang Diyos’, ‘Bona’ at ‘Himala.’

“Ayaw ko nang gumawa ng mga 10 shooting days kasi unang-una pag hindi na recognize yung ibang tao, ang napapasama e ‘yung artista,” ani Nora.

Naniniwala ang Superstar na napakalaking tulong ng mga independent movies sa industriya, maraming nabibigyan ng trabaho ang mga indie producers.

“Hindi sa ano pa mang bagay, hindi sa nagmamalaki, malaking tulong yun at malaking tulong din sa mga direktor natin na kailangan gumawa din naman tayo ng mga pelikulang indie.

“Dahil, halimbawa sa mga bata nating direktor ay marami rin ang magagaling kaya siguro depende na ‘yun sa kuwento o material na gagawin ng isang artista,” ani Nora.

Dagdag pa nito, “Sa industriya dapat nagkakaisa lahat. Maging artista ka, direktor o kung sino man na mga jury ng ating mga festivals dapat may pagkakaisa talaga at tingnan natin kung sino talaga yung matinong pelikula.

“Hindi yung palakasan, kasi may ibang judges na pabor kay ganito, kay ganyan, ‘di ba? So, sana hindi tinitingnan sa ganu’ng sitwasyon sana piliin ang mga pelikula na karapat-dapat para doon sa festival talaga,” pahabiol ng Superstar.

May ginagawang pelikula ngayon ang veteran actress kung saan gaganap siya bilang tibong nanay na may anak na bading. Alay daw nila ito sa LGBTQ+ community.

Read more...