BUGOK lang ang maniniwala sa hirit ng mga mambabatas na walang mangyayari kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos kapag humarap ito sa Kamara sa Hulyo 25.
Sabi ng isang solon: “Wala tayong gagawin kay Imee Marcos, we will not detain her, hindi namin siya kukunin, we will just ask questions. Wala namang dapat katakutan.”
Ano na nga ang sabi ng iba? Kapag sinabi sa iyo na wala kang dapat ipangamba, manginig ka na sa takot.
Isang inkisisyon ang pagdinig ng Kamara sa mali umanong paggastos ng pamahalaan ng Ilocos Norte sa P66 milyong pondo na galing sa excise tax mula sa tabako.
Walang parehas na pagdinig na gagawin kay Imee dahil noon pa lang ay nahatulan na nila ang gobernadora.
Ang mga pruweba?
Una, ang pagpapakulong sa anim na opisyal at kawani ng probinsya dahil hindi nagustuhan ng mga kongresista ang pagsagot ng mga ito sa kanilang tanong.
Ikalawa, ang bantang bubuwagin ang Court of Appeals (CA) ni Speaker Pantaleon Alvarez makaraang pumanig ng korte sa hiling na writ of habeas corpus ng mga ikinulong.
Ikatlo, ang bantang impeachment kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno ni Alvarez dahil pagkiling ng una sa desisyon ng CA.
Ikaapat—ang pinakahalata—ay ang todo-todo na ang ginagawang paghahanda ng mambabatas sa pagkukulungan kay Imee.
Noong isang linggo ay ipinasilip pa sa mga mamamahayag ang silid na nakalaan sa gobernadora sa loob mismo ng Kamara de Representantes.
Hindi mo rin alam kung seryoso, nagpapatawa o nangungutya itong si Rep. Johnny Pimentel nang sabihin nitong mas maayos ang magiging kalagayan ni Imee doon kumpara sa mga nakakulong sa Bilibid dahil magagampanan pa rin nito ang kanyang trabaho bilang gobernador.
Fully air-conditioned daw ang kuwarto at “meron po silang internet doon may wi-fi sila, may TV, may DVD. Compare mo ang existing jails, they’re in much better position,” sabi pa nitong si Pimentel.
Ano ang saysay ng mga paghahandang ito kung hindi sila siguradong may maikukulong doon pagsapit ng Hulyo 25?
Kaya dapat nang tibayan ng gobernadora ang kanyang dibdib at isip sa pagharap sa Kamara dahil tiyak na hindi papayag ang mortal niyang katunggali, si House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas, na hindi siya makakalabas pa pagkatapos ng hearing.
Kung nagawa nga ni Farinas na bulukin ang tinaguriang Ilocos 6 sa detensyon, siya pa kaya?