NAGTALA ang Tanduay Rhum Masters ng mga panibagong record sa pagdurog sa Zark’s Burgers Jawbreakers, 141-65, sa kanilang 2017 PBA D-League Foundation Cup game Lunes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Itinala ng Rhum Masters ang bagong PBA D-League record para sa most points scored in a game na tinabunan ang 140 puntos na ginawa ng Racal Motors laban sa Jawbreakers noong Hunyo 8 at ang biggest winning margin na 76 puntos na bumura sa 67-puntos na panalo ng Cignal HD Hawkeyes kontra Gamboa Coffee Mix Coffee Lovers noong Hunyo 15.
Binalewala naman ni Tanduay coach Lawrence Chongson ang mga pambihirang nagawa ng kanyang koponan at sinabing mas mahalaga para sa kanya at mga manlalaro ang manalo.
“Those records mean nothing if we don’t make it to the next round. The only record we want is to be a champion,” sabi ni Chongson.
Kinamada ni Jerwin Gaco ang 14 sa kanyang 21 puntos para pasimunuan ang maagang 35-6 pagragasa ng Rhum Masters. Nagtala rin si Gaco ng walong rebounds at tatlong assists sa kanilang pagwawagi.
Bumida rin si James Martinez sa panalo ng Tanduay kung saan tumira ito ng 5-of-8 mula sa
3-point area para magtapos na may 23 puntos na nilakipan pa niya ng siyam na assists at dalawang rebounds.
Nagdagdag si Paul Sanga ng 20 puntos at apat na rebounds maliban pa sa paghulog ng record-setting basket sa ginawang undergoal stab sa mga huling segundo ng laro.
Nag-ambag si Paul Varilla ng 15 puntos at walong rebounds kung saan ang lahat ng 14 players ng Tanduay ay nakapagtala ng dalawang puntos pataas sa tambakang panalo.
Itinuro naman ni Chongson na ang hangarin ng Tanduay na makabangon buhat sa 104-89 pagkatalo sa Flying V noong Huwebes ang naging mitsa sa pagtala ng matinding panalo ng koponan.
“It just so happened that we started strong. We’re coming from a loss and all we wanted was going on Thursday’s game because we want to have momentum in our game against Batangas,” sabi pa ni Chongson.
Bunga ng panalo, nakapuwersa ang Rhum Masters ng tatlong koponang pagtatabla sa ikatlong puwesto kasama ang CEU at Batangas, na may magkakaparehong 4-2 kartada.
Pinamunuan ni Robby Celiz ang Zark’s Burgers sa ginawang 13 puntos, tatlong rebounds at dalawang assists habang si Jerome Ferrer ay nagdagdag ng 12 puntos at apat na rebounds.
Nalasap din ng Jawbreakers ang ikaapat na diretsong pagkatalo at nanatiling kulelat sa team standings sa tangang 1-7 record.