NGAYONG Martes, ibabahagi ng Kapuso celebrities na sina Barbie Forteza, Andre Paras at Jerald Napoles ang ilang tips upang makaiwas sa road accidents sa Alisto kasama si Arnold Clavio.
Mula 2005 hanggang 2015, halos 60,000 pedestrian ang naaksidente sa Metro Manila ayon sa MMDA.
Gaya na lamang ng kaso ng isang babae na nasagasaan ng dalawang magkasunod na motorsiklo habang tumatawid sa kalsada.
Napahiga ang biktima matapos mabangga at ang masaklap pa, nagulungan pa siya ng kasunod na motorsiklo. Sa Malolos, Bulacan naman, isang tatlong taong-gulang na bata ang nasagasaan din ng motorsiklo.
Sa CCTV footage, makikita ang paslit na tumatakbong lumabas ng gate hanggang sa tumawid at mahagip ng motorsiklo. Ayon sa pamilya ng bata, nawalan siya ng malay at duguan ang mukha.
Ayon sa mga road expert, ilan sa mga ganitong aksidente ay nangyayari dahil sa paglabag ng pedestrian at motorista sa batas trapiko. Ang iba kasing motorista lumalabag sa speed limit kaya hindi nakakapagpreno kapag may pedestrian na dadaan. Paano nga ba maiiwasan ang mga ganitong disgrasya? Iyan ang ibabahagi nina Barbie, Andre at Jerald.
Samantala, ilang insidente ng road rage ang caught on camera. Nariyan ang isang taxi driver at rider ng motorsiklo na nagpang-abot sa Makati City. Ang iringan, nauwi sa boksing sa kalsada.
Sakaling masangkot sa road rage, alamin ang mga kasong maaaring isampa laban sa nakaalitan. Ano ang dahilan at paano humahantong sa mga bayolenteng komprontasyon ang mga ganitong away-trapiko?
Abangan lahat ‘yan sa Alisto, kasama si Igan Arnold Clavio, ngayong Martes pagkatapos ng Saksi sa GMA.