Eric Cray naka-gold sa Asian Athletics Championships

IPINADAMA ni Rio Olympian Eric Shauwn Cray ang kanyang kahandaan sa kanyang pinakaboritong event na 400m hurdles sa pagsungkit sa tanging gintong medalya ng Pilipinas sa ginanap na 22nd Asian Athletics Championships sa Kalinga Stadium sa Bhubaneswar, Odisha, India.

Naungusan ng 28-anyos na Southeast Asian Games record holder na si Cray sa itinala nito na 49.57 segundo ang mga kalaban na sina Chen Chieh ng Chinese Taipei (49.75) at M.P. Jabir na mula sa host India (50.22) upang koronahan bilang bagong Asian champion.

Ang ginto ni Cray ay pinakauna ng bansa sapul noong 2009 at pumutol sa walong taong pagkabigo sa kada taon na torneo. Unang itinala ni Cray ang oras na 50.85 segundo sa heats upang pumangalawa sa may pinakamabilis na oras na nagkuwalipika sa walong sasabak sa kampeonato. Ang kakampi nito na si Francis Medina ay tumapos naman na ika-15 puwesto sa tiyempo nito na 53.34 segundo.

Mayroon kabuuang 1 ginto, 1 pilak at 1 tansong medalya na iuuwi ang Pilipinas mula kay Cray, long jumper Mark Harry Diones at pole vaulter Ernest John Obiena.

Huling nagbigay ng gintong medalya sa torneo si Marestella Torres sa long jump sa tinalon nito na 6.51 metro noong 2009 sa Guangzhou, China. Tinalo ni Torres sina Chen Yaling ng China (6.28m) at Sachiko Masum ng Japan (6.28m).

Mabagal naman ang oras ni Cray kumpara sa itinalang national record at SEA Games record sa 400m hurdles noong magwagi sa 2015 Southeast Asian Games na 49.40 segundo. Gayundin sa oras nito sa pagtapos na ikapito sa semifinals ng 2016 Summer Olympics sa oras na 49.37 segundo.

Hawak nito ang personal best na 49.05 segundo na kasalukuyang national record sa pagtakbo nito sa heat 4 ng qualifying event sa Rio Olympics.

Nagawa namang lundagin ni Diones ang 16.45 metro upang masungkit ang pilak sa triple jump.

Nakuha ni Diones ang pilak sa ikatlong talon na nagtulak dito sa ikalawang puwesto sa likod ni Zhu Yaming ng China na nagtala ng 16.82 metro habang si Xu Xialong ng China ang pumangatlo sa natalon din na 16.45 metro.

Una nang nagwagi ng tanso si Obiena sa pole vault para mabitbit ang Pilipinas sa ikapitong puwesto sa kabuuan.

Habang isinusulat ito ay sasabak si Trentan Beram sa finals ng 200m matapos makapagkuwalipika sa pagsumite ng ikaanim na pinakamabilis sa qualifying time na 21.07 segundo. Isasagawa ang finals alas-8:20 ng gabi Linggo.

Itinala ni Beram ang bagong Philippine record na 21.05 segundo sa pagtakbo nito sa preliminary heats upang tabunan ang kanyang itinala na dating rekord na 21.12 segundo.

Read more...