DA who ang isang nagsisilbing ‘troll’ ng isang mataas na opisyal ng gobyerno na nagkaroon din ng silbi ang pagiging “attack dog” matapos namang italaga sa isa pang ahensiya ng pamahalaan?
Mismong si Mr. Troll pa ang nagbalita sa kanyang social media account sa kanyang pagkakatalaga sa isang departamento at may pagbabanta pa sa mga pagsisilbihan niya na hindi siya mangingiming banatan sila sakaling pasaway ang mga ito.
Wala pang pormal na appointment paper si Mr. Troll pero hindi na nakatiis at ipinagmalaki na ang kanyang pagkakatalaga.
Kilalang “attack dog” si Mr. Troll ng kontrobersiyal na kalihim.
Dati nang nabibiyayaan si Mr. Troll sa kanyang pagiging “attack dog” ni Mr. Secretary dahil nakaka-junket siya sa mga foreign trip ni Pangulong Duterte.
Sa huling junket nito, bukod sa libre na ng Malacañang, nanghingi pa ng donasyon sa kanyang social media account para sa kanyang biyahe.
Bago ang kanyang pagkakatalaga, usap-usapan na kinuha pa siyang consultant ni Mr. Secretary.
Sa pagkakatalaga ni “Mr. Troll” sa gobyerno, dapat ay alam niyang opisyal na siya ng pamahalaan na buwis na ng mga ordinaryong mamamayan ang ipambabayad sa kanya.
Hindi biro ang ipapasweldo kay “Mr. Troll” kayat dapat ay paglingkuran niya ng maayos ang kanyang sektor na nasasakupan.
Dati nang hinangad ni “Mr. Troll” na magpa-miyembro sa isang organisasyon para maging lehitimo.
Sino si “Mr. Troll”? Hulaan nyo na lang bagamat kilalang-kilala nyo ang kanyang backer.
Medyo discreet pa ang pagbabayad-utang ni Mr. Secretary kay “Mr. Troll” dahil hindi niya ito itinalaga sa kanyang ahensiya at ipinasa sa isa pang departmento na kontrobersiyal din ang nakaupong Kalihim.
Nahulaan nyo na ba ang tinutukoy ko? Sabi nga sa kasabihan ng isang kilalang opisyal ng gobyerno,”weather weather lang yan”.