Julia Montes pinatunayang may katapat na parusa ang pagiging pintasera, sakim

KAABANG-ABANG ang magiging kaganapan sa Wansapanataym Presents: Annika Pintasera dahil gagamitin ni Annika (Julia Montes) ang pag-ibig bilang sandata upang labanan ang oras dahil isang magic brush na lang ang natitira sa kanya sa pagtatapos nito ngayong Linggo.

Mas magiging mahirap nga ang daan ni Annika tungo sa kaligtasan dahil paubos na ang magical paint brush at hindi na mabawi ni Fairy Sylvia (Maris Racal) ang sumpa. Dagdag pa rito ang pagbabalik ni Glen (Nico Antonio), ang lalaking dapat sanang pakakasalan ni Annika, upang maghiganti at ilagay siya sa bingit ng kamatayan pati ang pamilya ni Jerome (JC Santos).

Tuluyan na nga kayang maubusan ng oras si Annika at makulong sa loob ng painting? Paano niya mahahanap ang halik ng tunay na pag-ibig? Makaligtas kaya sila mula sa kamay ni Glen?

Pinatunayan ng kuwento ni Annika sa Wansapanataym ang kapangyarihan ng pag-ibig sa pinakita niyang pagbabago matapos siyang mapuno ng pagmamahal para sa pamilya at sa iniibig niyang lalaking si Jerome.

Mula sa pagiging sakim at mapanlait, natutunan ni Annika maging mapagkumbaba nang isumpa siya ni Fairy Sylvia at nalamang hindi niya makukuha ang lahat ng kanyang nais gamit lamang ang pera at ganda. Ipinakita niya na mas matimbang ang pagkakaroon ng busilak na puso at mas unahin ang kapakanan ng iba bago ang sarili.

Kinabiliban din ang karakter ni Jerome para sa pagpupursigeng kanyang ipinamalas para kay Annika dahil sa lubos niyang pagmamahal. Hinangaan din siya para sa kanyang dedikasyong bigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya sa pagsisikap niyang maitaguyod sila sa abot ng kanyang makakaya.

Nagsilbing magandang halimbawa naman ang mga batang sina Loti (Amy Nobleza) at Bitoy (Marco Masa) sa mga kabataan sa pagiging mabuti nilang anak sa kanilang nanay at pag-aaral ng mabuti upang magkaroon ng magandang kinabukasan.

Dahil sa kuwento nitong puno ng aral, naging mainit ang suporta ng mga manonood sa Wanspanataym Presents: Annika Pintasera, kaya naman namamayagpag ito sa national TV ratings. Nitong nakaraang Linggo (July 2), nakakuha ang serye ng national TV rating na 26.7%, kumpara sa katapat nitong programa (19.5%), base sa datos ng Kantar Media.

Sa halos dalawang dekadang pag-ere nito sa telebisyon, naging daan ang Wansapanataym upang makapagturo ng mga aral na sumasalamin sa pamilyang Pilipino. Tumatak din ang mga palabas nito na nag-iwan ng marka sa puso at nagbigay ng inspirasyon sa mga manonood.

Tutukan ang kaabang-abang na pagtatapos ng kuwento ng Wansapanataym Presents: Annika Pintasera, ngayong gabi pagkatapos ng The Voice Teens sa ABS-CBN.

Read more...