KAHIT paano ay may dugong Cardinal na nananalaytay sa mga ugat ko. Walong taon din naman ang ginugol ko sa Mapua Institute of Technology at ngayon ay proud dahil Mapua University na ito.
Siyempre, mas Mapua High School ako dahil nagtapos ako dito noong 1976 at ngayon nga ay palagi kaming nagkikita ng mga batchmates ko. Noong nakaraang Nobyembre nga ay ipinagdiwang namin ang aming 40th homecoming sa Great Eastern Hotel kasabay ng 50th homecoming nina Sen. Manny Villar at marami kaming dumalo.
At mamayang gabi ay mukhang magkikita na naman kami sa huling gabi ng burol ng aming kaklaseng si Renne Alberto Isidro na sumakabilang buhay noong Martes.
Hindi ako nakapagtapos sa MIT college. Thirty-six units na lang sana ay Mining Engineering graduate na ako pero hindi ukol e.
Kaya nalipat ako sa Trinity College of Quezon City (now Trinity University of Asia) kung saan natapos ko ang kursong Mass Communication na siya naman talagang gusto ko. Heto at sportswriter nga ako.
Binabalikan ko lang ang Mapua dahil sa magagandang alaala na na-experience ko dito bilang cheerleader sa National Collegiate Athletic Association (NCAA). At nagbabalik ang alaalang ito dahil opening ng 93rd NCAA ngayon sa Mall of Asia Arena.
Ka-batch ko bilang cheerleader noon si Roderick Paulate ng Jose Rizal College at bowler Jinggay Facuri ng San Beda College. Kasama ko naman ang Bowling World Cupper na si Emmanuel “Sonny” Sugatan.
Mga pambato naming players sina Joel Banal at Romulo Mamaril.
Sa aking gunita, kami ang unang grupo na gumawa ng mga tumbling sa hardcourt. Ito ay noong spelling ng MIT kung saan ako ang sa letter I na tumambling. Si Mike Santos na naging professor sa MIT naman ‘yung lumipad sa letter T.
Well times have changed. Ngayon ay panay tumbling at sirko na lang at wala nang simpleng cheer routine sa hardcourt.
Nalulungkot ako dahil sa nakita ko ang lineup ng MIT seniors at tila napakahina nito. Tila mahihirapan si coach Atoy Co na maigiya ang Cardinals sa Final Four.
Incidentally, si Atoy ay naging kaklase ko sa isang subject noong college. Naglalaro na siya sa PBA noon at iyon na lang ang kailangan niyang kunin para maka-graduate siya. Ang subject ay Family Planning at under kami kay Ms. Elizabeth Ross. Hehehe…
Anyway, kaya ako naiinis ay dahil nawala sa lineup ng Cardinals si Allwell Oraeme na siyang reigning Most Valuable Player.
At kaya siya nawala ay dahil sa lumipat siya sa ibang eskwelahan sa kabilang liga. Ano ‘yun? Bakit pati imported players ay pinipirata?
As it is ay mahina nga talaga ang Mapua kahit nandoon si Oraeme. Hindi nga umabot ng Finals ‘di ba? Ngayon ay lalong humina!
E kung ikaw ay may dugong Cardinal ay gaganahan ka pa bang manood?