Julia muling nakasama ang ama at 2 kapatid sa El Nido, Palawan

MARTIN SCHNITTKA AT JULIA MONTES

DUMATING ang biological dad ni Julia Montes na si Ginoong Martin Schnittka kasama ang asawa’t dalawang anak na lalaki (half-brothers ng aktres) nitong Hulyo 5 para bisitahin ang dalaga.

Matatandaang unang nagkakilala at nagkita ang mag-ama noong Dis. 27, 2016 sa Bellini’s Restaurant, Cubao Quezon City kaya sobrang saya noon ng dalaga at nabanggit nga nitong buo na ang kanyang pagkatao.

Sandali lang sa bansa si Mr. Schnittka dahil may trabaho ito sa Germany kaya nangako si Julia na siya naman ang pupunta sa kanila para personal na makilala ang mga kapatid nito at kaanak sa father side pagkatapos ng seryeng Doble Kara.

Enero, 2017 natapos ang Doble Kara, pero hindi naman nakaalis ang aktres dahil nag-taping na siya agad para sa Wansapanataym Presents: Annika Pintasera kasama si JC Santos mula sa Dreamscape Entertainment.

Kaya sabi ni Julia, ang dad, wife at mga kapatid na lang nito ang pumunta ng Pilipinas para maipasyal sila sa El Nido, Palawan.

Habang tinitipa namin ito ay ka-text namin ang handler ni Julia na si Mac Merla at base sa mga litratong kuha niya ay ang saya-saya ng aktres habang kasama ang mga kapatid na sina David at Kevin na unang beses din niyang nakilala.

“Natutuwa siya ang dami nilang similarities ng papa niya and how protective he is to her,” say ni Mac.

Sa Lunes, Hulyo 10 ay pabalik na rin sa Germany ang mag-anak kaya nilulubos na ng aktres ang lahat ng oras niya dahil hanggang ngayong araw na lang sila sa Palawan.

Speaking of Wansapanataym, patapos na rin bukas, ang “Annika Pintasera” ni Julia na tumakbo ng mahigit tatlong buwan.

Base sa huling episode ng “Annika Pintasera” ay mas magiging mahirap pa ang daan ng dalaga tungo sa kaligtasan dahil paubos na ang magical paint brush at hindi na mabawi ni Fairy Sylvia (Maris Racal) ang sumpa.

Dagdag pa rito ang pagbabalik ni Glen (Nico Antonio), ang lalaking dapat sana’y pakakasalan ni Annika, upang maghiganti at ilagay siya sa bingit ng kamatayan pati ang pamilya ni Jerome (JC Santos).

Tuluyan na nga kayang maubusan ng oras si Annika at makulong sa loob ng painting? Paano niya mahahanap ang halik ng tunay na pag-ibig? Makaligtas kaya sila mula sa kamay ni Glen?

‘Yan ang tutukan sa pagtatapos ng  Wanspanataym Presents: Annika Pintasera ngayong Linggo sa ABS-CBN.

Read more...