2 magkalabang aktres parehong may ‘sapak’


BALIK-JOURNALISM class tayo with the 5 W’s and 1 H.

What: Kaibahan sa pag-uugali.

Who: Dalawang magkaedarang aktres.

Where: At a casual tsikahan.

Why: Pareho pa rin kasi silang nasa stage outcompeting each other.

When: Walang pinipiling okasyon ang topic.

How: Basta bigla na lang sila naging paksa ng kuwentuhan.

Situation: Halimbawang may naligaw na isang tao sa grupo na hindi nila kagaanan ng loob.

Sa dalawa, mas transparent si Actress A. When she catches sight of an “enemy” in her loyal group, ibebeso niya ang lahat pero lalampasan niya ang taong ‘yon. In short, nagpapakatotoo lang siya.

But her fans had better pledge eternal allegiance to her. Matanimin at matandain kasi si Actress A, na huwag ka lang magkamaling pitikin ito kahit objective pa ang iyong komento ay markado na sa kanya.

The next time you bump into her, agad mong mararamdaman na nabawasan na ang init ng kanyang pagtanggap sa ‘yo. For Actress A, tama man o mali ang anumang gawin niya, she thinks she was born perfect and therefore, there’s no room for negative yet fair write-ups.

In stark contrast naman si Actress B. Once on the set of a movie na ginagawa niya’y natanong siya kung kailan matutuloy ang matagal nang balak niyang umalis bansa to address her health problem.
Dahil kapos siya sa pondo’y ilang nagmamalasakit na kaibigan sa showbiz ang nagpatak-patak to raise the funds she badly needed.

Sa tanong when her supposed trip abroad would be ay naglitanya si Actress B, picking on a benefactor-fan na oo nga’t nagpadala raw ng pera sa kanya pero kulang naman. Inis na inis siya, short of saying na bakit hindi pa raw nilubus-lubos ng taong ‘yon ang ginawa nitong pagtulong sa kanya?

Eto na, caught unaware ay biglang bumulaga ang taong ‘yon sa mismong set nang ‘di inaasahan ni Actress B. Kakambal ng pagkagulat na animo’y nakakita ng multo, niyapos ni Actress B nang sobrang higpit ang surprise set visitor, kulang na lang ay mapisat ito, sabay dayalog, “Uy, Kuya ____ (pangalan ng taong kani-kanina lang ay halos isumpa na niya), I miss you so much! O, kumusta na?”

Yapos ‘yon with matching sampa pa ng dalawang nakabukakang paa sa katawan ng todo-bihis niyang bisita, clueless kung ano ang off-camera na eksena ni Actress B na nasaksihan ng mga tao sa set na napapakamot na lang ng ulo gayong wala namang kuto.

Kayo, sino’ng pipiliin n’yo? Si Actress A na hindi nga nagpapakaplastik sa kanyang pakikitungo sa tao pero puro halleluiah naman palagi ang gustong isulat tungkol sa kanya, o si Actress B NA magaling ka lang kapag kaharap ka niya’t may pakinabang ka sa kanya?

Read more...