Aguirre inireklamo sa fake news

   
Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang isang grupo ng mga kabataan laban kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre kaugnay ng pagpapakalat umano ng mga maling akusasyon at alegasyon.
    “Aguirre is a factory of fake news,” ani Shamah Bulangis, isa sa mga nagrereklamo at miyembro ng Millennials Against Dictators.
      Partikular na tinukoy sa reklamong inihain ng MAD ang pag-uugnay umano ni Aguirre sa pag-atake ng Maute group sa Marawi kina Sen. Bam Aquino, Sen. Antonio Trillanes, Magdalo Rep. Gary Alejano at dating political adviser ni ex-Pangulong Benigno Simeon Aquino III na si Ronald Llamas.
    Sinabi sa reklamo na noong Hunyo 7 ay pinalabas ni Aguirre na may kaugnayan ang apat na gera sa Marawi. Mayroon pa itong pinakitang litrato ng pagpupulong umano ng mga ito sa Marawi.
    “Hindi ko malaman why after they went there, nagkagulo na after about two weeks,” ani Aguirre sa press conference.
    Itinanggi ng mga isinangkot ni Aguirre ang alegasyon.
    Ang litrato ay kinuha umano sa Facebook ni Zamboanga Vice Governor Ace Cerilles at ipinost noong Hunyo 7, 2015 sa Iloilo Airport.
    “Aguirre lies through gritted. He knows that. We want to send a message that this government must stop lying,” saad naman ni Karla Yu, miyembro rin ng MAD.
    Noong Pebrero ay sinabi ni Aguirre na inambush si Lalaine Madrigal Martinez, asawa ng isa sa mga tumestigo laban kay Sen. Leila de Lima. Pero wala namang nangyaring ganito ayon kay Makati Police Chief Dionisio Bartolome.
    Sinabi rin ni Aguirre na tinangkang suhulan ni dating Sen. Jamby Madrigal si Lalaine na kanyang pinsan upang baliktarin ang testigo nito. Hindi magkamag-anak si Madrigal at Lalaine.
    Noong Pebrero 23 sinabi ni Aguirre na ilang opisyal ng embahada ang napasok ng Korean mafia at nasa likod umano ng pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo.
    “As alter ego pf the President, Respondent holds one of the most powerful and influential public office in the Philippines. By the very nature of his duties, Respondent must faithfully adhere to and hold sacred the constitutional principle to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty and efficiency,” saad ng reklamo.

Read more...