CONGRATS kay 2nd Lieutenant Don Stanley Castillo, isang Pinoy na nagtapos at nakapasok sa top five percent ng United States Military Academy Class of 2017 sa West Point, New York.
Si Stanley ay nagtapos ng Bachelor of Science degree in economics, operations research, and with a minor in grand strategy. Siya ay nakakuha ng gradong 3.75.
Sa Kamara ay inihain ni House Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu ang House Resolution 1070 upang kilalanin si Stanley na mula sa bayan ng Tingloy.
Si Stanley ay nag-iisang pINOY sa 2020 international cadets na nakapasok sa USMA noong 2013.
***
Nabuhay nanaman yung isyu ng manipis na suplay ng kuryente sa bansa.
Matagal na itong isyu at kung hindi agad masosolusyunan ay patay na naman tayo. Ang hirap pa naman kung walang kuryente, parang humihinto ang mundo.
Sa joint hearing ng House committee on good government at on energy, inamin ng Energy Regulatory Commission na manipis ang suplay ng kuryente sa Luzon.
Ibig sabihin kapag may pumalyang planta ng kuryente, brownout na agad.
Hindi naman nabibili na parang kendi sa tindahan ang planta ng kuryente na pag-inuwi mo ok na.
Anim hanggang walong taon ang pagtatayo nito.
Merong pitong Power Supply Agreement na pinasok ang Meralco at nakabinbin ito ngayon sa ERC.
May nagtatanong, bakit daw hindi pa inilalabas?
Sabi nga ni House Minority leader at Quezon Rep. Danilo Suarez wala namang temporary restraining order laban sa pagtatayo ng planta sa kanilang probinsya bakit hindi pa itinutuloy.
Nagpakatotoo naman si Suarez nang sabihin na magiging malaki ang pakinabang ng planta sa kanilang lalawigan kung saan gubernador ang kanyang anak.
Kung may nakitang butas ang ERC sa mga PSA sabihin na nila agad sa Meralco pero kung wala namang problema hindi naman siguro kalabisan kung ilalabas na nila ang papel para makapagtayo na ng mga bagong planta.
Sabi ni Meralco First VP William Pamintuan walang ‘midnight contract’, at kung hindi totoo eh di sabihin ng ERC para magkaalaman.
Siguradong may mamumura na naman si Presidente Duterte niyan kapag marami na ang dumaing dahil sa brownout.
Ang nakakapagtaka, halos 100 yung PSA na ipinasa sa ERC, at ang naiwan lang daw ay ang pitong ipinasa ng Meralco.
May programa itong Department of Energy upang mabawasan ang mahabang pagdaraan ng mga energy investment sa bansa bilang bahagi ng Dutertenomics.
Sa ipinalabas na Executive Order ng Malacanang ang gusto nito ay lumabas na ang permit para sa energy project sa loob ng 30 araw.