Movie version ng ‘Gulong Ng Palad’ kasado na

MULA sa radyo at telebisyon dadalhin na rin sa big screen ang classic drama series na Gulong Ng Palad na minahal at sinubaybayan noon ng buong Pilipinas.

Ang magpo-produce nito ay ang Cineko Productions, ang naghatid din sa madlang pipol ng matagumpay na pelikulang “Mang Kepweng Returs” nina Vhong Navarro at Kim Domingo at latest movie ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas na “Bes And The Beshies” sa direksyon ng award winning director na si Joel Lamangan.

Ang “Gulong Ng Palad” na isinulat ni Loida Virina ang nagpakilala sa publiko ng mga hindi malilimutang karakter nina Luisa, Carding, Peping, Menang, Idad, Nene, Mimi, Totoy at marami pang iba na naging malapit sa puso ng mga Pinoy.

Nagsimula bilang drama series sa radio ang “Gulong Ng Palad”, hanggang sa isalin ito sa telebisyon kung saan nakilala si Romnick Sarmenta bilang magaling na child actor. Umani ng papuri ang makasaysayang serye na ito na nagbigay ng inspirasyon sa bawat Pinoy noon dahil sa kuwento nitong pampamilya.

Sa pagsasalin nito ngayong taon sa pelikula, napili ng Cineko Productions ang award-winning actress-director na si Laurice Guillen para magdirek nito. Si direk Laurice rin ang gumawa ng isa pang hindi malilimutang obra sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino, ang damily drama na “Tanging Yaman”.

Nagpapasalamat ang mga taong nasa likod ng Cineko Productions dahil tinanggap agad ni direk Laurice ang proyekto. Sa ginanap na official announcement ng nasabing film company para sa “Gulong Ng Palad The Movie”, sinabi ng actress-director na makaka-relate rito ang bawat Pilipino sa bagong istorya, kasama na ang mga millennial.

Wala pang final list para sa mga artistang magbibida sa “GNP”, pero dalawa raw sa mga kino-consider para sa major role ay sina Erich Gonzales at Lovi Poe. Pero ayon sa Cineko, naghahanap pa rin sila ng babagay sa mga karakter sa kuwento. Ngunit kinumpirma nila na ang version pa rin ni Eugene Villaluz ang gagamiting theme song ng movie.

Kailangang nasa mid-30s to 40s daw ang gaganap sa role nina Carding at Luisa. Sa darating na Agosto na sisimulan ang shooting ng pelikula at ngarong taon din ipalalabas.

Abangan ang mga karagdagang detalye tungkol sa “Gulong Ng Palad” na ilalabas ng Cineko Productions.

Read more...