ISINAGAWA ng Australian challenger na si Jeff “The Hornet” Horn ang isa sa pinakamalaking upset sa larangan ng boxing Linggo matapos nitong talunin ang multi-division world champion na si Manny Pacquiao para tanghalin na bagong World Boxing Organization (WBO) welterweight champion sa Brisbane, Australia.
Ginulantang ng papaangat pa lamang na si Horn ang nagtatanggol na Pilipinong kampeon na si Pacquiao matapos itong biguin at agawin ang korona sa naging madugo na “Battle of Brisbane” sa harap mismo ng mahigit na 50,000 fans at Suncorp Stadium.
Bagaman puro putok ang mukha, nagawa ng 29-anyos na dating Physical Education (PE) teacher na si Horn na gamitin ang lakas sa naging madugo na labanan upang maitakas ang unanimous decision na panalo sa mga iskor na 117-111, 115-113 at 115-113 para agad angkinin nag kanyang pinakaunang championship belt sa unang pagtatangka.
Hindi naman ininda ni Horn ang pumutok na kilay sa ikatlong round para ipagpatuloy ang mainit na pag-atake kay Pacquiao na nagawa pa nitong patumbahin sa ikaapat na round bagaman kinunsidera lamang ito na naitulak ng referee na si Mark Nelson.
Nahirapan naman si Pacquiao matapos na magtamo ng dalawang sugat sa kilay mula sa accidental headbutt na ang una ay sa ikaanim na round at ikalawa sa ikapito. Gayunman, ipinamalas pa rin nito ang matinding kalidad sa pagnanais na mapabagsak si Horn sa huling apat na round subalit nabigo.
Ang kabiguan kay Horn ay ikapitong pagkatalo ni Pacquiao na pumasok sa laban na may 59 panalo at dalawang draw na sinamahan ng 38 knockout.
Nanatili naman na malinis ang kartada ng dating London Olympian na si Horn sa bitbit nitong 17-0-1 win-loss-draw card na may 11 knockout sapul na sumabak sa propesyonal na labanan noong 2013.
Si Pacquiao ay 22 taon nang lumalaban bilang propesyonal habang apat na taon pa lamang si Horn. Sumabak na rin si Pacquiao sa 23 title bout habang una pala lamang ni Horn.
Inaasahan naman ni Horn na hindi pa magreretiro si Pacquiao at siguradong magbabalik pa ito sa ring para sa rematch.
“I’m sure he’ll want to come back. It was a close decision and I’m sure he’ll want to come back and prove himself,” sabi ni Horn.
“Yes, definitely,” sabi naman ng 38-anyos na si Pacquiao nang tanungin kung payag siya sa isa pang laban kontra Horn.
Sinabi naman ni Top Rank promotor Bob Arum na may rematch clause ang laban nina Pacquiao at Horn subalit pag-iisipan muna niya ito bago muling kausapin ang Pinoy boxing superstar tungkol dito.
“I know Jeff would welcome the rematch, but I don’t know Manny’s future position,” sabi ni Arum. “Is he going to stay in politics and not continue in boxing? I don’t know, and he doesn’t know now — it’s unfair to ask him now.”
Samantala, base sa Compubox, mas maraming suntok na tumama si Pacquiao kumpara kay Horn, 182 sa 92. Ito ay bagamat lamang ng 52 binitawang suntok ang Aussie.
Bumitaw si Pacquiao ng kabuuang 573 suntok kung saan 32 porsiyento nito ay tumama kay Horn, na mayroon namang kabuuang 625 suntok.
Nakapagpatama rin ang Filipino ring icon ng 123 power shots kumpara sa 73 ni Horn.