DAHIL sa pagkakapili sa apat na pelikulang pumasok sa first batch ng official entries para sa 2017 Metro Manila Film Festival, biglang nag-resign ang tatlong miyembro ng exe-cutive committee ng taunang pestibal.
Hindi sang-ayon ang mga execom member na sina Roland Tolentino, Ricky Lee at Kara Alikpala sa pagkakapili sa unang apat na MMFF 2017 entries na kinabibila-ngan ng “Ang Panday” ni Coco Martin; “Almost Is Not Enough” starring Jennylyn Mercado and Jericho Rosales; “The Revengers” nina Vice Ganda, Daniel Padilla at Pia Wurtzbach; at “Love Traps #FamilyGoals” nina Vic Sotto at Dawn Zulueta.
Sa Twitter post ni Tolentino na siyang representative mula sa academe (U.P. Film Institute), sinabi nitong, “Mga mads, may confidentiality clause sa MMFF. Don’t ask me to explain. The results of the script selection speak for itself.
“Patunay ang MMFF script selections na tunay ang hidwaan ng komersyal at kalidad, tunay din may kapangyarihan ang komersyal interes,” dagdag pa niya.
Pahabol pa ni Tolentino, “Patunay ang MMFF script selections na walang interes burahin ang indie at mainstream distinksyon. Ang nabura, ang indie.”
Nirerespeto naman ng pamunuan ng MMFF 2017 ang pagre-resign nina Tolentino, Lee at Alikpala. Narito ang official statement ni Metro Manila Development Authority at MMFF 2017 Over-all Chairman Tim Orbos.
“Though it is unfortunate that Mr. Roland Tolentino, Mr. Ricky Lee and earlier on Ms. Kara Alikpala resigned as Execom members, we respect their decision and have amicably parted ways.
“We also maintain our objective to provide our MMFF patrons quality films with commercial value for Christmas 2017.”
Samantala, nilinaw din ng MMFF organizers na ang broadcast journalist na si Kara Magsanoc-Alikpala ay matagal nang nag-resign bago pa maganap ang pagpili ng entries habang ang award-winning scriptwriter naman na si Ricky Lee ay nag-resign dahil may mga isinulat siyang materyal na isinali ngayong taon sa filmfest.
Sinunod lang daw ni Lee ang isa sa festival rule na nagbabawal sa sinumang miyembro ng MMFF Execom member na magkaroon ng partisipasyon sa Magic 8.