SA kabila ng pagkatalo ni Sen. Manny Pacquiao sa bakbakan nila ng Australian boxing champ na si Jeff Horn, naniniwala pa rin si Jinkee Pacquiao na winner pa rin ang kanyang asawa.
Sa kanyang Instagram account, ipinost ni Jinkee ang litrato nila ni Pacman pagkatapos ng laban nito kay Horn na ginanap kahapon sa Suncorp Stadium, Brisbane, Australia.
Nilagyan niya ito ng caption na: We already won the Victory through Jesus! You fought well! Still proud of you my babe. Love you babe. You’re still our champion!”
Si Horn ang itinanghal na bagong WBO welterweight champion matapos ang 12 round fight. Parehong duguan ang dalawang boksingero patunay na hindi naging madali para sa magkabilang panig ang naganap na sagupaan.
Samantala, maraming celebrities at atleta ang nadismaya sa naging desisyon ng judges na ipanalo si Horn kabilang na riyan sina Gretchen Ho, Jeric Teng, ang Hollywood actor na si Samuel Jackson at NBA star Kobe Bryant. Para sa kanila si Pacman pa rin ang nagwagi.