Baguhang direktor si Sigrid Andrea Bernardo, ang bumuo sa pelikula ng Spring Films na “Kita Kita”.
Dalawang indie film pa lang ang nagagawa niya, ang “Lorna” at “Huling Cha Cha ni Anita” na parehong hindi masyadong kumita sa takilya.
Kaya ang tanong namin kay Bb. Joyce Bernal bilang isa sa producer ng “Kita Kita” ay paano niya pinuri nang husto ang baguhang direktor gayung hindi pa naman niya napanood ang dalawang pelikulang nito?
Ipinagkatiwala nila agad kay direk Sigrid ang “Kita Kita” nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez na kinunan pa sa Osaka, Japan kaya siguradong mahal ang production cost nito.
“Siguro dito lang sa Spring Films kami gagawa ng pelikula na siya ang magdidirek kasi iba ‘yung style niya maski na rom-com pa. Espesyal ‘yung vision niya, iba siya. Kunyari ako ang nagdirek nito baka may dollie ‘yan, iba ‘yung theme song. Ang tawag ko sa genre ni Sigrid, real romance, hindi siya romcom,” ani direk Joyce.
Sa anong pelikula ikukumpara ni direk ang “Kita Kita”? Mas maganda ba ito sa unang rom-com movie nina Robin Padilla at Regine Velasquez na “Kailangan Ko’y Ikaw”? “Hmmmm, mas maganda naman ‘yun, alam mo naman Robin ‘yun, Robinian ako, e. Charot!” tumatawang sagot ng palabirong direktora.
Tanong ulit namin, ano ang mas maganda ang “Kita Kita” o ang pinagbidahan noon nina Judy Ann Santos at Onemig Bondoc na “I’m Sorry My Love (1998)? “Ah, mas maganda naman ito maski ako pa nagdirek no’n at si Juday pa ‘yun. Alam naman ni Juday na chaka ‘yun,” humahalakhak na sagot ulit sa amin na ikinaloka namin.