“SOBRANG minalas lang talaga ang asawa ko!” Ito ang naging pahayag ni Francine Prieto tungkol sa iskandalong kinasangkutan ng kanyang American husband na si Frank Arthur Shotkoski sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Ito’y matapos ngang murahin ng mister ni Francine ang immigration officer sa airport nang maaksidente dahil sa sirang escalator sa airport. Galing sa Singapore si Shotkoski at bumalik nga ng Pilipinas para makasama si Francine.
Na-deport ang Amerikano pabalik ng Singapore at nalagay pa ang pangalan sa blacklist order ng gobyerno. Ayon sa dating sexy actress, inaayos na raw ng abogado nilang si Atty. Raymund Fortun ang kaso ng kanyang asawa para makabalik na ito ng Pilipinas.
“Nu’ng nangyari sa asawa ko yun, Sunday morning na siya, tapos weekend pa. Sobrang minalas lang talaga siya. Nakapunta na kami sa Bureau of Immigration, kasama yung lawyer ko. Isa-submit niya yung apology letter ni Frank at request para po matanggal yung pagiging blacklist niya sa Philippines,” paliwanag ni Francine nang makapanayam ng ilang members ng press sa media conference ng seryeng Haplos nina Rocco Nacino at Sanya Lopez.
Pagpapatuloy pa ni Francine, “Kasi, more than 20 years na po siyang nagpupunta rito sa Pilipinas, wala naman po siyang criminal record anywhere in the world.
“Talagang naaksidente lang po siya, yun po talaga ang naramdaman niya nu’n. Pero siyempre, kahit sabihin nating naaksidente siya, may na-offend po siyang tao, lalo na mga immigration officers.
“Kaya sobra po siyang nag-apologize. Sabi niya, nag-apologize na siya sa kanila, pero too late na dahil iba na yung mood, nagkagulo na. Pero willing po siyang bumalik at mag-apologize personally po sa lahat ng mga na-offend niya nung mga oras na yun,” aniya pa.