Alessandra: Pag nagalit ako sa ‘yo, banned ka na sa buhay ko!!!

ALESSANDRA DE ROSSI AT EMPOY MARQUEZ

NAUNANG napanood sa Japan ang pelikulang “Kita Kita (I See)” sa ginanap na Osaka Film Festival 2017 sa Japan noong Marso 12. Masayang ibinalita ng lead star nitong si Alessandra de Rossi na tuwang-tuwa raw ang mga Hapones sa movie nila ni Empoy Marquez.

“Gusto ko sanang manalo si Empoy noon ng Best Actor, kaso wala namang Best Actor or Best Actress doon, parang special awards lang, sana meron, ang gandas-ganda kasi!” sabi ni Alessandra nang makatsikahan namin pagkatapos ng media launch ng “Kita Kita” kamakailan.

Sabi namin kay Alex siya na ang nagsawa sa acting awards kaya hindi na niya hinahangad na magkaroon pa ng karagdagang tropeo, “Hindi na kasi kasya sa house!” ganting sagot naman niya sa amin sabay tawa.

Ano ba ang unang reaksyon niya  nang sabihing si Empoy ang magiging leading man niya sa “Kita Kita” na idinirek ni Sigrid Andrea Bernardo? “Umiyak ako! Ha-hahaha! Hindi, natuwa ako kasi kakaiba ‘yung kuwento, kasi kung tulad din ng iba (guwapo ang leading man), walang kakaiba. Kasi puwede namang gawin ito ng ibang artista, eh,” sabi ng aktres.

Hindi makakalimutan ni Alex ang kanyang naging experience habang sinu-shoot nila ang pelikula sa Osaka, “Well, nu’ng first time ko kasi sa Japan, sa city ako (nag-shoot) like sa Tokyo, ganu’n, sabi ko sa friends ko, ‘hindi ako nag-enjoy kasi in three days ko doon, nakalimutan kong magdasal? Hindi ko kasi nakita si God, kasi puro building, nakatakip ang sky, wala akong makitang clouds, wala akong makitang sunrise, hindi ko nakita ang sunset.  Walang moment to stop and thank the Lord.

“Pero dito, since probinsya, sunrise at sunset at nakita ko si God sa bawa’t sulok, ‘yun siguro na-appreciate ko ang Japan kahit puro trabaho.

“Like five hours lang ang tulog namin everynight kasi nga sunud-sunod at ngayon ko lang naranasan na lahat ng eksena sa movie ikaw o kami.  kasi dalawa lang naman kaming cast sa movie, as in wala ka talagang break,” kuwento pa ng aktres.

Habang nagsu-shoot daw sina Alex at Empoy ay nakapamasyal na rin daw sila dahil kung ano ‘yung mga lugar na pinuntahan nila para sa mga eksena ay pasyal ng matatawag, “Kasi kung ako lang naman ang pupunta ro’n mag-isa, hindi ako makakapamasyal dahil sa tamad ko.”

Ang “Kita Kita” pala ang unang romantic-comedy film ni Alex simula noong nag-artista siya dahil nga kadalasang ginagawa niya ay heavy drama.

“Bago at least, may bagong malalagay sa aking portfolio, different genres, rom-com. Na-enjoy ko rin naman, pero kung sasabihin ulit ng producer ko na hindi na ako tatanggap ng labandera role o tulad dati, parang hindi ko ma-imagine, gusto ko pa rin ‘yung dati kong ginagawa.

“Ayokong-ayoko kasing kinakahon ang mga artista, opinyon ko lang ito ha. Tulad nu’ng isa na, ‘o lahat na lang ng pelikula mo, abogado ka, nakakalungkot ‘yun para sa isang artista, na iyon lang ba ang kaya mong gawin? Nag-artista ka pa, sana nag-abogado ka na lang talaga, bagay pala, parang ganu’n,” punto de vista ng premyadong aktres.

***

Sa rami ng nagawang papel ni Alessandra sa pelikula, ano pa ang kaya niyang gawin, “Kaya ko lahat gawin, marami, wag lang akong gawing dancer,” seryosong sabi ng aktres. “Kaya ko rin namang maging singer, pero ayokong gawin,” aniya pa.

Binanggit namin sa aktres na mas nakakatawa raw siya kaysa kay Empoy, “Talaga? Ewan ko kung anong nakain ni Sigrid, baka nagpapatawa lang siya,” kunot noong sagot ng dalaga.

Seryosong tanong namin kay Alex, posible bang ma in love siya sa katulad ni Empoy? “Kayo po?” balik-tanong sa amin, sabay sabing, “Bakit naman hindi, ang hinahanap ko, mabait matalino at may takot sa Diyos.”

Hirit namin sa kanya, meron lahat si Empoy ng mga nabanggit niya maliban sa itsura, “Hello! Bakit ka naman titingin sa itsura, e, lahat naman tayo tulog pag gabi na. Ha-hahaha! At the end of the day, tulog ka lang din naman, so ganu’n ‘yun. Para ka na lang nananaginip,” ani Alex.

“Pero alam n’yo, lagi na lang nating ginagawang joke ‘yung pangit si Empoy, hindi ako naniniwala, pero naniniwala akong love is blind kahit gaano ka kaganda, gaano kayaman ang tao, gaano katalino, pagdating sa love, lahat ‘yan tanga pagdating sa pag-ibig,” paliwanag ng aktres.

Naging tanga na ba siya sa pag-ibig? “Everytime, hindi lang sa pag-ibig, tanga sa kaibigan, tanga sa katrabaho, totoo, kasi siyempre pag endeared ka sa isang tao, kahit anong pakita niya sa ‘yo okay-okay.

“Later on na lang kapag medyo sumobra doon ka lang magigising. Sign pala lahat ‘yun.

“Sanay kayong kontrabida ako sa pelikula, pero sa totoong buhay, hindi ako marunong magalit, hindi ako nagagalit, hindi tumataas ang boses ko, never. Yun nga lang pag nagalit ako, banned ka na sa buhay ko!” ani Alessandra.

Mapapanood na ang “Kita Kita” sa Hulyo 19 mula sa Spring Films and distributed by Viva Films.

Read more...