Pinaniniwalaang naudlot ang umano’y plano ng mga terorista na mambomba sa General Santos City matapos maaresto ang kasapi ng isang grupo na nakiki-simpatiya sa Islamic State of Iraq and Syria, ayon sa pulisya Huwebes.
Nadakip si Abdulazis Mangambit Tungan, kasapi ng Ansar al-Khilafa Philippines (AKP), sa gitna ng pinaigting na intelligence operations para sawatain ang umano’y plano, sabi ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
“Sa pagkaaresto niya (Tungan), na-deter natin ‘yung mga planong pambobomba,” sabi ni Galgo nang kapanayamin ng Bandera sa telepono.
Ilang araw bago madakip si Tungan, nakatanggap ang mga ahensiyang pangseguridad ng impormasyon na bobombahin ng isang grupo ng mga terorista ang General Santos City Hall, Sangguniang Panglungsod building, pati na ilang simbahan at mall sa lungsod, aniya.
Nadakip si Tungan dakong alas-8:30 ng umaga Martes sa Lower Acharon, Lote, Brgy. Calumpang, matapos makatanggap ang pulisya ng ulat tungkol sa kahina-hinalang taong nakikituloy sa isang boarding house doon, ani Galgo.
Kinumpirma ng intelligence operatives na ang naturang indibidwal ay Tungan, na kabilang sa mga nakalista sa Arrest Order no. 2 na inisyu ni Defense Secretary at martial law administrator Delfin Lorenzana, aniya.
Matapos iyo’y nagtungo ang mga miyembro ng General Santos City Police at AFP Joint Task Force Gensan sa Calumpang at natagpuan si Tungan na nakatayo sa tabi ng isang simbahan ng Iglesia Ni Cristo.
Sinubukang tumakbo ni Tungan, kilala rin sa alyas na “Ramram,” kaya hinabol at nadakip, ani Galgo.
Nakuhaan si Tungan ng granada kaya hinahandaan ng kasong illegal possession of explosives, bukod sa kasong rebellion na pinagbasehan ng arrest order.
Inaalam pa kung anong pakay ni Tungan, na residente ng Brgy. Daliao, Maasim, Sarangani, sa General Santos at kung siya’y bahagi ng umano’y planong pambobomba ng mga terorista sa lungsod.
Ito’y dahil si Tungan ay kilalang tagasunod ni Mohammad Jaafar “Tokboy” Maguid, ang lider ng AKP na itinuturo sa ilang insidente ng pagpapasabog ng granada sa iba-ibang bahagi ng Sarangani, ani Galgo.
“We categorize them as ISIS sympathizers,” anang regional police spokesman..
Alam din ng mga awtoridad na si Maguid ay dating nakipag-ugnayan sa mga lider ng Maute group sa Marawi City, bago siya napatay sa isang raid sa Kiamba, Sarangani, noong Enero 5, ani Galgo.
“Ang PNP po at ang military dito sa Region 12 ay naka-alert pa rin hindi lang dahil sa bomb threat na lumabas noong mga nakaraang araw at linggo but also, ayaw nating magkaroon ng spillover from Marawi,” ani Galgo.
Di bababa sa dalawang kasapi ng AKP ang nakagagala pa sa rehiyon, aniya pa.
MOST READ
LATEST STORIES