DIGONG THE EXPLORER

SA unang taon ng kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng bansa, umabot sa kabuuang 21 bansa ang binisita ni Pangulong Duterte, kinukonsidera na siyang may pinakamarami kung ikukumpara sa ibang naging pangulo simula noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Base sa rekord, walong bansa lang ang binisita ng kanyang pinalitan na si dating Pangulong Noynoy Aquino sa unang taon nito sa panunungkulan, habang nasa 17 bansa naman ang pinuntahan ng sinundan nitong si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa una ring taon niya sa pagiging pangulo.

Si dating Pangulong Cory Aquino ay merong apat, tig-walo namang foreign trips sina dating Pangulong Fidel Ramos at Joseph Estrada sa kani-kanilang unang taon.

Budget, secret

Tinangka ng BANDERA na kunin ang kabuuang ginastos ni Duterte sa 21 bansang binisita, bagamat hindi ito inaprubahan matapos namang tangkaing humingi ng datos sa FOI website. Sa ilalim ng bagong administrasyon, lahat ng mga hinihinging datos sa gobyerno ay ipinadadaan sa FOI website (https://www.foi.gov.ph) bagamat na-deny naman ang aplikasyon ng Bandera para sa kabuuang gastos ng 21 foreign trips ni Pangulong Duterte.

“You asked for detailed summary of President Duterte’s foreign travels, including total expenses, investments. Response to your request. Your request is DENIED,” ayon sa email ng FOI na may petsang Hunyo 19, 2017.

3 bansa sa Setyembre

Nagsimula ang biyahe ni Duterte ni Duterte noong Setyembre 5, 2016 papuntang Laos para dumalo sa 28th at 29th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits at ang Eleventh East Asia Summit. Nanatili si Duterte sa Laos hanggang Setyembre 8, 2016 bago tumulak papuntang Jakarta, Indonesia.

Setyembre 9, 2016, state visit ang ginawa ni Duterte sa Jakarta, Indonesia, kung saan nakipagpulong siya kay Indonesian President Joko Widodo.

Hindi pa natatapos ang Setyembre, tumulak naman si Duterte para sa kanyang pagbisita sa Vietnam mula Setyembre 28 hanggang Setyembre 29, 2016 para sa kanyang dalawang araw na official visit.

Oktubre: Brunei, China, Japan
Oktubre 16 hanggang 21, tumulak naman si Duterte papuntang Brunei at China.

Unang tumulak si Duterte papuntang Bandar Seri Begawan, Brunei para sa kanyang state visit mula Oktubre 16 hanggang Oktubre 18. Ang Brunei sana ang kauna-unahang bansang bibisitahin ni Duterte sa kanyang pag-upo bilang pangulo, ngunit pinagpaliban ito dahil sa nangyaring pambobomba sa Davao City noong Setyembre 2, 2016.

Mula Brunei, nagtungo si Duterte papuntang Beijing, China para sa kanyang state visit mula Oktubre 18 hanggang Oktubre 21, 2016.

Oktubre 22 nang bumalik sa Davao, at makalipas ang dalawang araw ay lumayas na naman patungong Japan para sa tatlong araw na official visit mula Oktubre 25 hanggang 27.

Nobyembre: Side trip sa Thailand, New Zealand

Nobyembre 9, 2016, umalis naman si Duterte papuntang Bangkok,Thailand para magbigay ng respeto matapos ang pagpanaw ng yumaong King Bhumibol Adulyadej sa Grand Palace.

Mula Thailand, dumiretso si Duterte sa Kuala Lumpur, Malaysia para sa dalawang araw na official visit mula Nobyembre 9 hanggang Nobyembre 10, 2016 kung saan nakipagpulong siya kay Malaysian Prime Minister Najib Razak.

Sa kaparehong buwan, nag-side trip si Duterte noong Nobyembre 18, 2016 sa Auckland, New Zealand bago tuluyang nagtungo sa Lima, Peru para sa Asia Pacific Economic Conference (APEC) Leaders’ meeting, mula Nobyembre 19 hanggang 20.

Naging kontrobersiyal pa ang pagdalo ni Duterte sa APEC matapos namang hindi sumipot sa gala dinner at pagpapalitrato para sa family photo ng APEC leaders para iwasan ang noo’y si U.S. president Barack Obama.

Disyembre: Cambodia, Singapore

Sa sumunod na buwan, umalis naman si Duterte papuntang Phnom Penh, Cambodia para sa dalawang araw na state visit mula Disyembre 13 hanggang 14, at nakipagpulong kay Cambodian Prime Minister Hun Sen at King Norodom Sihamoni.

Mula Cambodia, tumuloy si Duterte papuntang Singapore noong Disyembre 14, 2016 para sa tatlong araw na state visit hanggang Disyembre 16, 2016, at doon ay nakipagpulong kina Singaporean President Tony Tan at Prime Minister Lee Hsien Loong.

P227M gastos sa 12 bansa

Inihayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na nasa unang anim na buwan ni Duterte sa kanyang panunungkulan, gumastos ang gobyerno ng P227 milyon para sa 12 bansang nabisita.

Marso, 2017, nagpatuloy muli ang pagbisita ni Duterte sa iba’t ibang bansa kung saan sinimulan niya ito sa kanyang dalawang bansang magkasunod na pagbisita sa Myanmar at Thailand.

Marso 19, 2017 nang tumulak si Duterte papuntang Myanmar para sa isang official visit kung saan nanatili siya sa naturang bansa hanggang Marso 20,2017.

Mula Myanmar, dumiretso siya ng Thailand para sa isang official visit mula Marso 21, 2017 hanggang 22, 2017. Ang pagbisita ni Duterte sa Thailand ang naging tanda naman ng pagtatapos ng kanyang introductory visit sa Asya.

Middle East visit

Buwan ng Abril nang tumulak naman si Duterte papuntang Middle East kung saan sunod-sunod niyang binisita ang Saudi Arabia, Bahrain at Qatar. Naganap ang mga pagbisitang ito mula Abril 10 hanggang 16.

Ilang buwan matapos ang pagbisita ni Duterte sa Qatar, pinutol naman ng mga kalapit na bansa sa Middle East ang diplomatic ties nito sa Qatar dahil umano sa tulong pinansiyal na ibinibigay sa mga teroristang grupo.

Buwan naman ng Mayo, muling lumabas ng bansa si Duterte.

Balik-Cambodia, China

Muling nagtungo si Duterte sa Cambodia para naman dumalo sa World Economic Forum mula Mayo 10 hanggang Mayo 12.

Mula Cambodia, tumulak si Duterte papuntang Hong Kong para sa dalawang araw na pagbisita.

Huling binisita ni Duterte ang Beijing, China para dumalo sa One Belt One Road Forum kung saan nanatili siya roon mula Mayo 13 hanggang Mayo 16 bago bumalik ng Pilipinas.

From Russia with love

Mayo 22, 2017 nang umalis naman si Duterte patungong Russia para sana sa official visit, bagamat napilitan siyang umuwi agad matapos lusubin ng mga teroristang Maute Group ang Marawi City noong Mayo 23, 2017.

Bagamat napaaga ang kanyang pag-uwi, nagkaroon pa rin siya ng pagkakataon na makapulong si Russian President Vladimir Putin, na nagbigay din ng kanyang suporta sa Pilipinas sa gitna ng gulong kinakaharap dulot ng Marawi siege.

Naging kontrobersiyal din pagbisita ni Duterte sa Russia matapos kuwestiyunin ang napakaraming delegadong sumama sa biyahe.

Hindi na rin natuloy ang muling pagbisita ni Duterte sa Japan sa unang linggo ng Hunyo dahil sa patuloy na gulo sa Marawi.

Sa isang press briefing noon Hunyo 22, 2017, nanindigan si Abella na hindi ilalabas ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang kabuuang halagang ginastos sa 21 biyahe ni Duterte.

“Like we said. Did you hear me? I said, refer to OES, Office of the Executive Secretary,” sabi ni Abella na halatang napikon na sa pangungulit sa kanya.

“They are the ones who are qualified to do that,” ayon pa kay Abella.

Read more...