Mahirap nga bang maging masunurin sa batas?

MAHIRAP nga ba talagang sumunod ang tao sa bawat batas na  ipinatutupad sa kanilang bansa? Sadya nga bang likas sa tao ang  sumuway sa halip na maging masunurin?

Isang Pinoy sa Malaysia ang lumabag sa batas-trapiko roon. Nang mahuli ito ng pulis, sinubukan niyang suhulan ito, ngunit sa halip na tanggapin, kinasuhan ang Pinoy ng panunuhol.

Kung mahahatulan, 20 taong pagkakakulong ang haharapin ng ating kabayan at may multa pang 10,000 Malaysian ringgit.

Sa Hong Kong, halos kaliwa’t kanan din ang mga balitang pagnanakaw ng ating mga kababayan sa mga grocery at supermarket. Mga walang kabagay-bagay lamang naman ang ninanakaw nila tulad ng lotion at mga de-lata.

Doon, isang linggong pagkakulong ang katumbas ng bawat produktong ninakaw. Kaya naman sa anim na produktong inumit ng ating OFW mula sa isang supermarket, isa at kalahating buwan siyang makukulong.

Panunuhol at pang-uumit.

Ginamit ko ang terminong pang-uumit dahil kung manga-ngatuwran ang gumawa noon, sasabihin niyang maliit na bagay lang naman ang kinuha niya at halos wala ngang halaga kung kaya hindi niya
iyon matanggap na pagnanakaw.

Ngunit sa totoo lang, pareho lang iyon. Anumang bagay na kinuha at hindi naman natin pag-aari, maliit o malaki man ay isang pagnanakaw.

Para naman sa lumabag sa batas trapiko, kahit simpleng traffic violation lang iyon, dahil nanuhol siya sa pulis, lumala tuloy ang problema. Ibang kaso kasi ang panunuhol.

Sana ay inako na lang niya ang pagkakamali at handang magbayad ng penalty. Ganyan kasi ang estilo ng mga motorista sa Pilipinas, kapag nahuli ay maglalagay para makalusot.

May magagaling namang magnakaw at mga pasimpleng pumipitik ng kung anu-anong mahawakan, palibhasa’y hindi nahuhuli kung kaya naging bahagi na ng kanilang pang-araw araw na buhay ang masamang gawaing iyon.

Sabi nga ng isang OFW sa Hong Kong, may kakilala siyang sa bawat alis nito sa bahay ng amo at magpapaalam na mamamalengke, palagi siyang may ninanakaw na shampoo, lotion at ilan pang mga produkto na ipinadadala niya sa mga kamag-anak sa Pilipinas.

Ipinagmamalaki pa niya iyon sa mga kapwa OFW kapag day-off nito at nakiki-umpukan sa kanila sa Central. Gayong pinaalalahanan nilang maaari siyang makulong sa ginagawa niya, tinatawanan lamang siya ng ating kabayan at sinasabing magaling siyang lumusot at hindi pahuhuli.

Saan man sa mundo ang Pinoy, sinusubukan pa rin nilang dalhin doon ang masamang mga ugali at may kaisipan kasing magaling sila at kayang-kaya nilang malusutan ang anumang ilegal na mga dati nang kinagawian.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming:  www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...