Galit na galit ang Mommy Raquel at lola ni Charice, hindi sila masaya sa kaligayahang nararamdaman ng bagets. Kung anu-anong pinu-post ni Mommy Raquel sa social media – mga sentiments niya sa anak. Di mo alam kung dahil sa pera kaya sila umaatungal.
Halata kasi ng iba na kaya sila nanggagalaiti dahil hindi yata nila nai-enjoy ang kinikita ni Charice ngayon, instead na pakinabangan ng iba, dapat yata ay sila. Feeling nila, nilulustay ng girlfriend ni Charice na si Alyssa Quijano ang pera ng bata samantalang sila raw ang naghirap para pasikatin si Charice.
“Karma na rin siguro ni Mommy Racquel iyan. Kung naalala n’yo pa, there was a time na inaway niya ang nanay niya, remember? Kasi nga, naniniwala ako sa kasabihang ang batang binabastos ang kanyang sariling ina ay sobrang bigat ang pakakaharapin sa buhay, malas iyan.
Mabuti nga si Charice hindi sumasagot nang pabalang sa ina niya kahit pilit siyang kinakalaban,” anang isang kapitbahay naming pinaniniwalaan naman namin ang punto.
Ilang araw na ring nagpu-post si Mommy Raquel ng kung anik-anik na sentimyento sa anak niyang si Charice sa social media sites. At nagulat na lang kami at biglang nagpatawag ito ng presscon sa bahay ng kumpare naming si William Sy sa Marikina.
Hindi ako nakadalo dahil masyadong maaga ang presscon at medyo malayo sa amin kaya minabuti ko na lang na humingi ng kopya ng letter na ipinamudmod ni Mommy Raquel sa press at narito ang ilang bahagi nito:
“Magandang umaga po.
“Marahil marami po sa inyo ang masama ang loob sa akin dahil nanahimik ako ng matagal na panahon. May ilang beses rin na nakapag-desisyon ako na magsasalita ngunit binabawi ko rin naman. Pasensya na po. Nahihirapan po ako sa aking kalagayan.
Kahit po ngayon, hati pa rin ako sa pagiging tao at pagiging isang ina. Maraming beses na ginusto kong magsalita kasi parang sasabog na ang dibdib ko sa emosyon pero sa maraming beses na iyon, pinili kong maging isang ina.
“Ngayon po, nakaharap po ako sa inyo at pinipili ko pa rin po ang pagiging isang ina. Kung tunay po tayong nagmamahal, nalalaman natin kung kailan dapat tumahimik, at dapat magsalita. Kung kailan dapat tumanggap at magpalaya, at kung kailan dapat tumanggi.
“Pinili ko rin po na dito kayo kitain lahat dahil napakaespesyal po ng bahay na ito sa amin. Dito po kami tumutuloy nu’ng mga araw na wala po kaming matirahan o makain. Opo, ganito kalayo ang dinadayo namin kasi po marami po sa aming mga kapitbahay noon ay pinapatayan kami ng ilaw, pinagsasarahan ng gate, o hindi pinapansin kapag humihingi kami ng tulong.
“Sina Tito William at sina Tita Belen na po ang naging takbuhan namin. Si Charice nga po ay may sariling piano at kwarto dito dahil talagang parang tunay na anak na ang turing nila sa dalawa kong anak.
“Nitong nakaraang mga araw, mga buwan, lagi pong bumabalik sa isipan ko ang lahat ng mga pinagdaanan naming pamilya noong wala pa kami. May mga araw po talagang gusto ko nang sumuko, gusto ko na pong iwanan ang mga anak ko, naisip ko na rin po na ibigay na lang sila sa mga taong kaya silang bigyan ng magandang kinabukasan.
Pero sa tulong po ng Diyos, sa pagmamalasakit po ng konting mga tunay na kaibigan, at lalong-lalo na rin po sa pagmamahal ko sa mga anak ko, hindi ko po ginawa yun.
“Nu’ng naabot po ni Charice ang narating niyang tagumpay, akala po namin magiging maayos na ang lahat. Pero lately po naiisip ko, baka mas magandang bumalik na lang kami doon sa mga araw na naghihirap kami. At least po noon, malinaw na malinaw po sa amin kung sino ang tunay na nagmamahal sa amin. At least po noon, magkakasama po kaming tatlo sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay.
“Sa totoo lang po hindi ko po alam kung saan tumutuloy ang anak ko. Nalaman ko lang po nu’ng naglabasan ang mga articles tungkol sa kanya, pati na rin ang kanyang interview. Wala po sa aming nagsabi na nasa maayos siyang kalagayan, na may nag-aalaga sa kanya.
“Hindi ko ipagkakaila na hindi ako perpektong ina o tao. Kahit po ilang taon na ako ay hindi pa rin naman po ako perpekto, nagkakamali pa rin po ako. Ngunit natututo ako sa mga pagkakamaling iyon at sinusubukan ko na mas maging mabuting tao, mas mabuting ina pagkatapos.
Sigurado naman po ako na walang ina na gugustuhin na mapahamak, o masaktan ang kanyang mga anak. Pagbali-baliktarin po man natin ang mundo, anak ko po si Charice, anak ko po si Carl. At kahit anong mangyari, kahit ano pa ang maging mga desisyon nila sa buhay, ina pa rin nila ako at anak ko pa rin sila.
“Lahat ng gusto nilang gawin noon at ngayon, sinubukan ko po silang suportahan sa abot ng aking makakaya. Kahit saan man po sila dalhin ng kanilang mga puso ay tatanggapin at mamahalin ko pa rin po sila. Alam po nilang dalawa yan.
“Ipinagdarasal na lang po naming dalawa ni Carl ang sitwasyong ito. Kami pong pamilya ni Charice ay ipinapaubaya na po itong lahat sa Diyos. Una, pinagdarasal po namin na lahat ng nakakasama at makakasama ni Charice, na silang lahat ay aalagaan siya, poprotektahan at mamahalin siya – oo, bilang isang singer, pero higit sa lahat, bilang isang tao. Na ano man ang mangyari, hindi sila susuko at iiwan si Charice.
“Pangalawa, pinagdarasal po namin na tumanda po si Charice bilang isang mabuting tao – tapat, may malasakit sa kapwa at may takot sa Diyos. Dasal po namin na lagi siyang magpapasalamat sa mga biyayang dumarating sa kanyang buhay, na nakakatulog po siya lagi ng mahimbing sa gabi nang walang alinlangan at magkakaroon po siya ng tunay na kaligayahan.
“Pangatlo po, dalangin po namin ni Carl na malagpasan po namin ang lahat ng ito. Dasal po namin na bigyan pa kami ng lakas ng loob ng Diyos. Napakasakit po ng mga nangyayaring ito sa aming pamilya. Ang pakiramdam po namin ay itinakwil kami, tinalikuran, isinangtabi at hindi po basta-basta nawawala ang sugat na galing du’n.
Huli sa lahat, pinagdarasal po namin lahat ng taong involved sa sitwasyon na ito – na makita po naming lahat ang katotohanan na at the end of the day po, pangalawa sa Diyos, pamilya pa rin po ang matatakbuhan naming lahat. Ang mga kaibigan po nawawala, bumabalik, pero ang pamilya po… naniniwala po kami ni Carl na yan po ang mga taong matatakbuhan mo dahil binigay yan sa atin simula pa lang ng ating buhay. Yan ang mga taong pinakisamahan tayo, inalagaan tayo, at minahal tayo kahit na wala tayong maibibigay na kapalit.
“Maraming salamat po na nakinig kayo sa aking mga saloobin. Ano man po ang masabi o maisip ng mga tao pagkatapos nito, ipapasaDiyos ko na po. Pipilitin po namin na magpatuloy ang aming buhay. “Gusto ko lang po na tunay na maging maayos ang kinabukasan ng mga anak ko.
Ano man po ang mangyari sa akin, at least po narinig niyo po ang mga nasa puso ko. Gusto ko lang po magpasalamat sa mga taong naging bahagi ng aming paglalakbay na ito sa simula pa lang. Maraming Salamat po,” pagtatapos ni Mommy Raquel.
Any comment, my friends? Kaloka, di ba?