KINILABUTAN ang mga miyembro ng LGBT community matapos magbigay ng speech ang Superstar na si Nora Aunor sa ginanap na Metro Manila Pride March & Festival kamakailan.
Matagal nang supporter ng LGBT si Ate Guy kaya hindi na kataka-taka ang pag-apir niya sa nasabing event na may temang “Here Together”. Bukod dito, isinabay na rin daw ang pagkuha ng ilang footage para sa ginagawa niyang movie.
Sa speech ni Ate Guy, ikinumpara niya ang mga bading at tomboy sa rainbow, “Kagaya ng bahaghari na maraming kulay, ang mga tao din ay marami at magkakaiba. Lahat ay pantay-pantay at may karapatang umibig sa kung sinuman, anuman ang kanyang kasarian o gender.
“Gawin natin umibig at pakasal sa kung sinuman ang ating napupusuan at walang ibang pwedeng pumigil sa lahat ng nararamdaman natin sa laban nating minamahal,” sabi ni Nora.
Dagdag pa ng award-winning actress, “Maliban po sa makiisa sa inyong pinakamimithi at inyong mga nararamdaman, dapat ipakita sa lahat ng tao na dapat ipagmalaki natin kung ano tayong lahat at walang iba kundi pantay-pantay, walang bakla, walang tomboy, walang babae, walang lalaki.
“Ipagmalaki natin kung anong nararamdaman natin bilang isang tao.”
At ilang minuto lang pagkatapos magsalita ni Nora, bigla raw nagkaroon ng rainbow sa nasabing lugar na ikinatuwa at ikinataas din ng balahibo ng mga tao roon.
Nilinaw din ni Ate Guy na hindi niya ginagamit ang nasabing event para magpapansin o mang-agaw ng eksena, “Kanina po ay kasama ako doon at kinukunan ako. Huwag niyo isipin na ito ay gamitan, pero ang masasabi ko lamang po, gagawa po kasi kami ng isang pelikula na tungkol sa LGBT. Ang aking role ay isang lesbiana na may anak na bading.”