BUNGA ng patuloy na pag-unlad at pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya, kalamitan ay napapagaan nito ang pamumuhay ng tao.
Sa kabila nito, may mga bagay na mahirap pa rin solusyunan, tulad na lang ng mga karamdaman. Kung iisipin, hindi naman kailangang gumastos nang mahal para lang magamot ang sakit. Minsan ay kailangan lang balikan ang mga natural na paraan.
Narito ang 10 halamang gamot na ineendorso ng Department of Health (DOH) na may kamangha-manghang pakinabang:
AKAPULKO — Ang halamang ito ay mainam para sa mga taong may impeksyon sa balat. Maaari itong gawing lunas sa eczema, kagat ng mga insekto at pangangati. Bukod pa rito, ang dinikdik na dahon nito ay mainam na panlaban sa mga “ringworms” o buni.
AMPALAYA — Hindi lang masarap na ulam, kundi tumutulong ding mapababa ang alta pres-yon at ang blood sugar level. Ang katas nito ay lunas din sa lagnat at sakit ng katawan.
BAWANG — Hindi lang basta panggisa, dahil may dalang lunas na mabisa ang gulay na ito. Mabuti ito sa puso at tumutulong ding mapababa ang bad cholesterol. Pinalalakas nito ang resistensya upang labanan ang impeksyon.
BAYABAS — Ang tropical na prutas na ito ay antiseptic at madalas na ginagamit sa mga sugat upang maiwasan ang impeksyon. Puma-patay ito ng bacteria, fungi, at amoeba. Ang prutas ding ito ay tumutulong sa maayos na buwanang dalaw para sa mga kababaihan.
LAGUNDI — Kung pagod ka nang umubo, pakuluan ang dahon nito. Maaari ring panggamot sa trangkaso, lagnat at sipon.
NIYOG-NIYOGAN — Kung ang iyong anak nama’y pinahihirapan ng bulate sa tiyan, ito ang katapat niyan. Maaari ring ilagay ang mga dahon nito sa bahagi ng katawan na sumasakit.
SAMBONG — Kung ikaw nama’y pinahihirapan ng bato mo sa iyong mga kidney, ang pinakuluang dahon nito ang makatutulong sa iyo. Mabisa rin itong gamot sa sakit ng tiyan.
TSAANG GUBAT — Panlunas ito sa gastroenteritis at diarrhea. May iba rin itong silbi, maaari rin itong gamitin sa pagligo o ‘di kaya’y pangmumog.
PANSIT-PANSITAN — Para naman sa mga may edad na, ito ang bagay sa iyo bilang panlaban arthritis at gout. Maaari ring gamiting gamot sa sakit ng puson at maging sa mga tigyawat.
YERBA BUENA — maraming sakit ang kaya nitong alisin. Maaari itong gamitin upang alisin ang sakit sa ulo, ngipin at tiyan. Tumutulong rin ito para sa mga mahina ang panunaw.