Pacquiao inagaw ang popularidad ni Horn sa Australia

ILANG oras pa lamang matapos lumapag sa Brisbane, Australia ay agad na naagaw ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao ang popularidad sa mismong teritoryo ni Jeff Horn na makakalaban nito para sa World Boxing Organization (WBO) welterweight crown.

Ikinasurpresa mismo ni Pacquiao Linggo ng umaga sa pagsisimba nito na mismong mga Australyano ang nagbigay dito ng isang dasal para sa panalo sa kanyang pagdedepensa sa bitbit na welterweight title kontra sa lokal na bayani na si Horn eksaktong isang linggo na lamang simula ngayon sa Suncorp Stadium.

Hindi nagsanay ang 38-anyos na ring legend buong araw ng Linggo matapos lumapag sa kapitolyo ng Queensland kung saan kasama nitong dumalo ang pamilya sa isang Worship Center na malapit sa tinutuluyan na Sofitel Hotel.

Ikinatuwa ni Pacquiao pati na mga kasama nito ang mainit na pagtanggap ng mga tao at nag-alay pa ng panalangin para sa kanyang posibleng tagumpay sa nalalapit na laban sa Hulyo 2 kontra kay Horn.
Agad din na pinagkaguluhan si Pacquiao ng mga miyembro ng Australian media paglabas nito sa simbahan.

Magbabalik pagsasanay naman ngayon ang kasalukuyang WBO champion para sa kanyang huling sparring bago tuluyang kumpletuhin ang training camp sa huling linggo ng pinakamalaking laban sa boxing na magaganap sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng sports sa Australia.

Paborito na magwagi si Pacquiao subalit hindi inaalis ang posibilidad na mapatumba ito ng dating guro na si Horn. Ito ay dahil naiba si Pacquiao matapos na huli itong mapatumba ni Juan Manuel Marquez noong 2012 bagamat beterano sa mga matitinding laban kontra kay Horn.

Bitbit ni Pacquiao ang kabuuang 59-6-2 record at ang pagkilala bilang isa sa pinakamahusay sa boxing maliban pa sa pagiging multi-division world champion kontra kay Horn na may 16-0-1 ring record.

Ang tanging maipagmamalaki ni Horn sa kanyang 17 professional fights ay ang panalo noong 2016 kontra Randall Bailey na matagal na rin hindi aktibo sa labanan.

Dagdag interes sa laban nina Pacquiao at Horn ang preliminary card sa pagitan ng Australian light heavyweight  na si Damien Hooper (12-1) kontra Russian Umar Salamov (19-0).

Magsasagupa rin sa main card ang featherweight na si Michael Conlon (2-0) na isang Irishman na gumawa ng sarili niyang pangalan sa 2016 Olympics sa pagbulgar sa korupsiyon sa amateur boxing. Bitbit nito ang dalawang knockout sa unang dalawang professional fight sa pagsagupa kay Jarrett Owen (5-4-3).

Isa pang magbibigay interes ay ang salpukan para sa IBF world junior bantamweight title sa pagitan ng Pilipinong kampeon na si Jerwin Ancajas (26-1-1) at Japanese challenger na si Teiru Kinoshita (25-1-1).

Read more...