‘Sa wakas kilala na rin namin kung sino si Mercedes Cabral!’

 

KILALA na namin ngayon si Mercedes Cabral. The who kasi siya nu’n para sa amin kahit pa sinasabi ng aming mga kasamahan na magaling daw siyang aktres sa hanay ng Indie.

Wala pa kaming napapanood na pelikula ni Aling Mercedes na naging sobrang kontrobersiyal nang magsalita siya nang hindi kagandahan tungkol kay Mother Lily Monteverde na nirerespetong personalidad sa industriya.

Ngayon ay alam na namin ang kanyang itsura, kasama kasi siya sa Ang Probinsyano ni Coco Martin, gumaganap siya bilang asawa ni dating Senador Lito Lapid na tagapamuno naman ng isang rebeldeng grupo.

‘Yun pala si Mercedes Cabral, ang aktres na pinupog nu’n sa social media, pagdating sa pagganap ay wala naman kaming masasabi sa kanya.

May napansin lang kami sa kanyang make-up. Pinalalabas sa istorya ng serye na nagtatago ang kanilang rebeldeng grupo sa bundok ng Arayat.

Pero bakit fully-made-up si Mercedes Cabral? Bakit ganu’n ang kanyang pilikmata, malantik na malantik, nakatingala sa mga puno sa paligid ng kanilang kubo?

Patagu-tago ang kanilang grupo, napakadelikado ng kanilang sitwasyon, pero nakukuha pang mag-make-up nang todo ni Mercedes Cabral?

Paalalahanan sana ng produksiyon ang aktres na ito kung siya ang may gusto ng ganu’ng itsura niya sa serye, bawasan ang kanyang make-up, palabasing makatotohanan ang papel na ginagampanan niya bilang rebelde.

Read more...