Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
6:30 p.m. San Miguel vs TNT KaTropa (Game 3, best-of-7 Finals)
Game One – TNT (104-102)
Game Two – SMB (102-88)
MANANATILI ang iika-ika maglaro na import ng TNT KaTropa na si Joshua Smith habang pilit aagawin ng San Miguel Beer ang bentahe sa pagtatangkang masungkit ang ikalawang sunod na panalo sa Game Three ng 2017 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ito ay matapos na hindi makapagpadala ng sulat ang pamunuan ng Tropang Texters kung tuluyan na nitong papalitan ang import nito na si Smith na patuloy na iniinda ang injury sa kanang paa at naglimita rito para makapaglaro lamang ng 12 minuto sa Game Two kung saan nabigo ang TNT KaTropa, 102-88.
Nagtulong-tulong naman ang mga manlalaro ng Beermen upang padaliin ang trabaho ni import Charles Rhodes para maipaghiganti ang nalasap nitong 104-102 kabiguan kontra Tropang Texters sa unang laro ng kampeonato at itabla ang serye sa tig-isang panalo.
Agad naglagablab sa unang yugto ang Tropang Texters sa pagsisimula ng Game Two matapos na ihulog ang 17-0 bomba sa pagtutulungan nina Jayson Castro, RR Pogoy, Anthony Semerad, Kelly Williams at Moala Tautuaa. Gayunman, agad itong naposasan ng Beermen upang agawin ang abante sa halftime, 52-43.
Nanguna para sa San Miguel Beer si June Mar Fajardo sa pagtala ng double-double na 22 puntos at 11 rebounds habang kumamada si Chris Ross ng 20 puntos, siyam na assists at limang rebounds. Nagdagdag naman si Arwind Santos ng 16 puntos at anim na rebounds.
Samantala, pinatawan ng multa na P30,000 si TNT KaTropa swingman Roger Pogoy matapos itong mapatalsik sa laro sa ikatlong yugto, may 8:34 pa sa laro, dahil sa nakitang pagsuntok sa pribadong parte ni Santos.