IBA rin ang dedikasyon at determinasyon ni Joshua Smith. Kaya gusto siya ng mga kakampi niya at inspired silang maglaro.
Iyan ang tinuran ni TNT KaTropa team manager Virgil Villavicencio ilang minuto bago nagsimula ang best-of-seven championship series sa pagitan ng Tropang Texters at San Miguel Beer noong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Kasi nga hanggang ngayon ay hindi sigurado ang estado ng 330-pound import ng Tropang Texters dahil nananakit ang kanyang paa.
Ito ay na-injure sa Game Three ng semifinals kontra Barangay Ginebra. Hindi niya natapos ang laro at natalo ang TNT KaTropa. Nabigo silang mawalis ang Gin Kings. Pero tinapos naman nila ang serye sa Game Four kung kailan pahapyaw na naglaro si Smith at si Jayson Castro ang siyang nagbida.
Pero ikinuwento ni Villavicencio na kinabukasan pagkatapos ng kabiguan sa Gin Kings ay mababa ang morale ng Tropang Texters. Sumigla sila nang dumating sa ensayo si Smith at sinabing lalaro siya kahit na nananakit ang paa. Sinabi niya na hindi niya iiwan ang team.Kahit nga nagparating ng kapallit na import ang Tropang Texters sa katauhan ni Mike Myers ay hindi natinag si Smith. Siya pa rin ang first option ng Tropang Texters at for emergency purposes lang si Myers.
Siniguro ni Smith na ibibigay niya ang kaya upang makatulong sa team. Ito ay kahit na puwedeng mapinsala nang tuluyan ang kanyang paa at madiskaril ang kanyang basketball career.
Isipin mo iyon!
Handa siyang isakripisyo ang kanyang career!
Wow.
E 25 taong gulang lang si Smith at napakalayo pa ng puwede niyang marating. Paano kung tuluyang sumama ang kanyang paa at matapos ang lahat?
Naisip na rin niya iyon siguro.
Pero iba na ang kanyang dedikasyon at determinasyon.
Ito ay nakita ni Villavicencio noon pa mang unang dumating sa bansa si Smith bilang kapalit ni Donte Greene.
Nang dumating siya ay 350 pounds ang timbang niya. Pero talagang workout siya nang husto upang magbawas ng timbang.
“In ten days ay nawalan siya ng 20 pounds. Iyon ang talagang The Biggest Loser!” ani Villavicencio.
Pero hindi siya loser. Winner talaga siya. Mayroon siyang winning attitude.
At sa Game One nga, kahit na nanakit ang kanyang paa sa third quarter at kinakailangang ilabas muna upang i-tape, aba’y siya pa rin ang nagbida.
Ibinuslo niya ang game-wining hook shot kontra June Mar Fajardo sa huling segundo upang magapi ng Tropang Texters ang Beermen, 104-102.
Aba’y kahit na pahilahod maglaro si Smith ay nagagawa niya ang kanyang misyon.
Hindi na siguro siya papalitan pa ng TNT KaTropa kahit na ano pa ang mangyari.