UMANI ng papuri ang panukala ni Sen. Joel Villanueva na parusahan at bigyan ng multa ang netizens na nagpapalaganap ng pekeng balita sa social media. Isa sa natuwa si Asec. Mocha Uson pero umalma rin siya sa bintang na pasimuno siya sa pagkakalat ng fake news.
Sa interview kay Asec Uson sa Unang Balita ng GMA News, hinaing niya, “Bakit yung blogger na tulad ko, pinalalaki yung maliit na pagkakamaling ganon pero hindi kino-call out yung mas malaking fake news na pinapakalat ng katulad nina Senator Trillanes at VP Leni?”
Tinukoy ni Mocha ang interview kamakailan kay Sen. Trillanes sa BBC’s HARDtalk’s Stephen Sackur.
“…Napanood niyo ba yung interview niya? Hindi ba sa international media pa, sinasabing hindi malaking problema ang shabu?” sabi ni Asec. Mocha.
Sa parte naman ni VP Leni, may kinalaman ‘yon sa pagharap ng Bise presidente sa UN Narcotics Body na sinabi umano na 7,000 ang drug related killings. “Mali pa ‘yung impormasyon patungkol sa palit-ulo,” saad ni Asec. Mocha.
Inamin naman niya na nagkamali siya sa pagsasabi ng isang Article 263 sa Philippine Consitution. Nag-erratum naman daw siya roon dahil ang Section 263 ng Tax Code ang tinutukoy niya.
Sa panukala naman ni Sen. Villanueva, hindi siya pro or anti sa bill, “Kaya kailangan pag-aralan pa. Pero para sa akin, i-go ito para mapuksa yung nagkakalat ng fake news,” rason niya.